Top Stories

Mahigit 500 drug suspek, sumuko sa muling paglunsad ng Oplan Tokhang

MAYNILA- Naitalang umabot sa 563 drug suspects sa mahigit isang libong mga magkakahiwalay na operasyon ang sumuko sa unang araw pa lamang ng Oplan Tokhang Reloaded, ayon sa pulisya.

Batay sa datos na inilabas ng Philippine National Police (PNP), naging pinaka-epektibo ang Oplan Tokhang Reloaded ng kapulisan sa ilang rehiyon sa Mindanao at sa Luzon, lalo na sa timog-katagalugan.

Sa Metro Manila, 36 drug personalities ang sumuko sa 142 tokhang operations.

52 naman ang naaresto kahapon sa anti-drug operation sa buong bansa- 13 ang sa Central Visayas, 12 sa Gitnang Luzon at 11 sa Western Visayas.

Samantala, nai-ulat rin ang pagkakaaresto sa limang suspek sa Northern Mindanao, tatlo sa Mimaropa, dalawa sa Southern Mindanao, Western Mindanao at Bicol Region at isa sa Ilocos at Caraga regions.

 

Oplan Tokhang RELOADED

Iginiit naman ni PNP Director General Ronald dela Rosa na bahagyang tumaas ang mga kaso ng kriminalidad mula ng nawala ang partisipasyon ng PNP sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

“Bumalik na naman, nagpapakita na naman. While ongoing ang ating police operation against them, they were on the run…nagtatago, lumipat yung iba sa probinsya, yung iba pumunta sa Mindanao. Pero noong huminto tayo bumalik na naman sila, nagpapakita na naman, based on the reports of the barangay officials,” pagdiin ni dela Rosa.

Nilinaw rin naman ng Police Director na nagumpisa na ding umayos ang resulta ng kanilang mga proyekto pati na rin ang tugon ng mga mamamayan sa panibagong inihaing Oplan Tokhang mula nang masibak sa hanay ang mga ‘police scalawags.’

Malaki rin umano ang naitulong ng panibagong balangkas ng naturang operasyon na kanilang pinanindigang mas maka-tao at mas nakatuon sa ‘rule of law.’

Umaasa naman ang hepe ng pulisya na magtutuloy-tuloy ang magandang takbo ng tokhang at ng iba pang mga operasyon ng pulisya, upang masugpo na ang ugat at sangay ng ilegal na droga sa bansa. (TapatNews)


Detainees at Manila City Jail. FILE PHOTO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *