National

DOT, handang tumulong sa ika-400th na anibersaryo ng Nuestra Señora del Carmen sa bansa.

 

MAYNILA- Bilang parte ng faith-based tourism na kamakailang inilunsad ng pamahalaan, inihayag ng opisyal ng Department of Tourism (DOT) ang matibay na suporta ng kagawaran sa nalalapit na pag-ala-ala sa ika-400 taong pagdating ng Nuestra Señora del Carmen sa bansa na gaganapin sa unang biyernes ng Mayo ngayong taon.

Sa pagpupulong kasama ang mga tagapamahala ng selebrasyon mula sa Minor Basilica of San Sebastian, binanggit ni DOT Regional Director Rebecca Villanueva-Labit na ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga partidong kasali sa pagpaplano para sa naturang kapistahan ay sumasalamin sa kanilang interes sa pagpapaunlad ng kultura ng pananampalataya sa bansa bilang malaking tulong sa pagpapaunlad na rin ng ating turismo.

“Hindi lamang iyan tungkol sa simbahan, hindi lang yan tungkol sa 400 years… kagaya ng madami nating faith-based festivals, ginagawa natin ito upang magpasalamat sa mga biyayang binibigay sa atin ng Diyos,” wika ni Villanueva.

Dagdag pa ng director pang-rehiyonal, malapit sa puso niya ang naturang selebrasyon sapagkat siya mismo ay dating katekista at malapit din sa kaniya ang debosyon sa Nuestra Señora del Carmen, kaya ganoon na lamang ang kaniyang kagustuhan na makatulong ang kagawaran.

Nilinaw rin ni Villaneva-Labit na hindi lamang sa simbahang katolika nakatuon ang naturang proyekto ng Kagawaran ng Turismo kundi sa kabuoang kultura ng pananampalataya na pinangangahawakan ng mga Pilipino mula noon.

“We are the only Catholic country in Asia, but as a country, were also diverse, marami tayong relihiyon; mayroon tayong mga Protestante, mga Born-again at mga Muslim… very interesting ang ating bansa,” dagdag niya.

Nailatag na ng mga opisyal parokya ng San Sebastian ang mga plano para sa naturang kapistahan at nangako ang kagawaran, sa katauhan ng direktor, na susuporta sila hanggang sa kanilang makakaya upang masigurado ang kabuoang kaligtasan at kagandahan ng pagsasalo. (TapatNews)


Photo retrieved from CBCPnews.net

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *