National

Grupong PISTON nagsulong ng protesta laban sa LTFRB

Bitbit ang mga placard at bandera, nagkilos-protesta ang grupong Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) laban sa malawakang hulihan na isinasagawa ng gobyerno sa mga lumang pampasaherong jeep.

Matatandaang umani ng batikos ang Land Transportation Franchise and Regulatory Board o ang LTFRB sa nauna nilang panukala na “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” na naglalayong hulihin at patawan ng bayarin ang mga jeepney operators na pumapasada ng mga bulok na unit.

Tinanggihan din ng grupong PISTON ang naunang paanyaya ni LTFRB Chairman Martin Delgra III sa isang pagpupulong ukol na naturang issue.

Tahasang isinisi din naman ng presidente ng PISTON na si George San Mateo ang paglipana ng mga bulok na jeep sa pamahalaan.

Pinanindigan ni Delgra na wala silang sasantuhin sa panghuhuli ng mga jeep na hindi papasa sa safety standards at sisiguraduhin nila na mahuhuli lahat ng lalabag, lalo na ang mga paso na ang lisensya sa pag pasada.

Sumagot din naman si San Mateo na sinasabing hindi naman sila umano tutol sa naturang panukala ngunit ang kailangan ng masa sa ngayon ay isang mas maka-demokratikong proseso at pagiimplementa.

 

Abala sa mga commuters

Naging pasanin din naman ng mga pasahero ang naturang panukala sapagkat pinili ng mga nakararaming mga tsuper na huwag na lamang pumasada kesa mapatawan ng multa.

Wala pa mang ganap na pahayag ang Metro Manila Development Authority kaugnay sa naitulong ng naturang programa sa lagay ng trapiko sa kamaynilaan, kapansin-pansin naman na lalong kumapal ang bilang ng mga pasaherong nagaabang sa mga pilahan ng jeep.

Kamakailan ding umani ng batikos sa social media ang pinasidhing hinaba ng pila sa mga istasyon ng MRT. (TapatNews)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *