National Top Stories

DILG,COMELEC: Barangay at SK eleksiyon, tuloy na sa Mayo.

Kinumpirma na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuloy na tuloy na ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) eleksiyon sa Mayo 14 2018 matapos ang ilang serye ng pagkakasuspinde .

Magsisimulang tumanggap ang mga tanggapan ng Commission of Elections (COMELEC) ng  mga Certificate of Candidacy (COC) sa Abril 14 hanggang 20, habang sa Mayo 4 hanggang  12 naman ang Campaign period.

Bibigyan naman nang hanggang Hunyo 13 ang mga mahahalal na magsumite ng kani-kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), dahil kung hindi magsusumite, hindi rin papayagan manumpa at maluklok sa puwesto.

“Ang barangay kung tutuusin, hindi iyan kalakihang teritoryo at magkakakila-kilala na kayo diyan, siguro naman walang dahilan para gumastos ng milyon-milyon para lamang mahalal,” wika ni COMELEC Spokesperson Dr. James Jimenez.

Tinatayang nasa 55M voters ang nakarehistro para darating na halalan. Kaya ngayon pa lang nagpapaalala na ang DILG na iboto ang matino, mahusay at maasahang kandidato.

Pinaalalahan rin naman ni DILG Undersecretary Martin Diño ang mga botante na huwag isakripisyo ang boto alang-alang sa mga tiwaling kandidato na mamili nito para sa kanilang ikakapanalo.

“Tandaan ‘nyo: iyong isang araw na sarap, tatlong taong paghihirap pagka nakakuha tayo ng isang bugok na barangay captain at kagawad,” wika niya.

Binalaan rin naman niya ang mga incumbent officials na muling tatakbo wag na wag gagamitin ang mga government owned facilities para sa pangangampanya kundi ay “mapaparusahan sila ng COMELEC.”

Samantala, inihayag naman ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya na ang Sanggunian ng Kabataan ay isang instrumento sa paghuhubog ng mga kabataang mga maaaring maging pinuno ng bansa sa hinharap.

“Ang SK ay pagkakataon para sa kabataang Pilipino na maging kasama sa pagbabago ng ating lipunan patungo sa pagiging maunlad at mapayapang bansa,” wika ni Malaya. (TapatNews)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *