Provincial

18 kilos na Cocaine natagpuan sa Isabela.

Palutang-lutang nang makita ng mga awtoridad ang nasa P79 milyong halaga ng cocaine sa karagatan ng Divilacan, Isabela.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) spokesperson Derrick Carreon, bandang alas-dos ng hapon nang makuha sa pampang ng Dipudo Island ang nasabing iligal na droga.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), natagpuan ng dalawang speed boat operators ang droga na nakalagay sa asul na cylindrical container.

Agad naman itong dinala sa PNP Crime Laboratory sa Tugegarao City at kinumpirma nilang cocaine nga ang laman ng naturang lalagyan.

Naniniwala naman si Chief Supt. Jose Mario Espino, director ng Police Regional Office Region na ang natagpuang droga ay maaaring para sa ibang bansa at matagal na itong palutang-lutang sa dagat dahil may lumot na ang balot nito.

“There are so many possible [drugs] like this na naka-float sa atin. Remember this cocaine, hindi naman talaga ito ang drug use natin dito, so this really is for other countries,” dagdag niya.

Hinala rin ni PDEA Region 2 Information Officer Lowella Tomas na may kinalaman umano ang natagpuang droga sa cocaine na nakita sa Matnog, Sorsogon noong Enero 15 gayundin sa na-recover na cocaine sa Region 5 noong 2010.

Nasa pangangalaga na ngayon ng PDEA ang droga at patuloy pa rin ang pagtuklas ng mga awtoridad sa posibleng pinanggalingan nito. (TapatNews/Nanette Amongol & Jamaica Geronimo)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *