‘Yolanda’ survivors, dumaranas pa rin ng kalbaryo

yolanda
Hawak ng madreng Benedictine na si Sr. Editha Eslopor ng People’s Surge ang isang larawan na nagpapakita ng pagkawasak ng mga ari-arian at tahanan na dulot ng super typhoon ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013.

Walang pagbabago sa buhay ng mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’ dahil patuloy ang dinaranas nilang kalbaryo.

Ganito isinalarawan ni Sr. Editha Eslopor ng People’s Surge, ang kondisyon ng mga ‘Yolanda’ survivors kung pag-uusapan ay ang tulong mula sa gobyerno.

“Dalawang buwan na naming kinalampag ang Malacañang pero wala pa rin. Hindi kami priority, hindi kami pinakikinggan, hindi nila kami concern, pini-present namin ang tunay na kalagayan ng mga survivors pero ‘di kami pinakikinggan,” pahayag ni Eslopor sa isang panayam sa Radio Veritas.

Dagdag pa ni Eslopor, 12,000 lahat ang mga survivors na mayroong iisang hinaing – “walang tulong talaga [mula sa gobyerno.”
Inihalintulad ng madre ang buhay ng mga survivor sa kalbaryong dinanas ng Panginoong Hesus.

“Kalbaryo pa rin kami hanggang ngayon mula November 8, tila Semana Santa, kalbaryo pa rin,” ani Eslopor.

Kaugnay nito, sinabi ni Eslopor na matindi ang suporta ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanilang adhikain nang makipagpulong sila dito.

Ayon sa madre, nangako ang Cardinal na kanyang ipa-follow up sa Malacañang ang mga hinaing ng ‘Yolanda’ survivors.

“Ang tulong na isi-share niya dadalhin niya ang hinaing ng mga biktima bilang intercessor kung kaya niya i-follow up sa presidente ang aming mga hinaing,” dagdag pa ng madre.

Isa ang Simbahan, sa pamamagitan ng CBCP-NASSA at Caritas Manila, sa nagbigay tulong sa sampung diyosesis na naapektuhan ng bagyo mula sa relief operations hanggang sa kasalukuyang recovery at rehabilitation efforts.

Aminado rin si Eslopor na ang mga non-governmental organization lamang ang aktibong tumutulong sa kanila, lalo na ang Simbahan.

“Ang seryosong pag-abot ng mga NGOs, marami ang nag-commit na tutulong from NGOs, pero sa government, walang humaharap sa amin,” pahayag pa ni Eslopor sa Radio Veritas. [Radio Veritas]

You May Also Like