Yaya noon, businesswoman na ngayon

Tiyaga, malasakit sa kapakanan ng iba, at pananalig sa Diyos ang naging gabay niya – at ang pagkakaroon ng pangarap na bumuti ang kabuhayan.

Trish Matalubos
Trish Matalubos

Dalawang bagay ang kadalasang instrumento sa tagumpay na nakakamit ng isang tao sa buhay. Edukasyon at pangarap. Mawala man ang isa dito ay marami ring nagkakaroon ng maayos na kinabukasan. Subalit ang pagkakaroon ng dalawang ito ng magkasama ay higit na nagpapataas ng tsansa na maabot ang tagumpay na inaasam.

Ito ang nangyari sa noo’y 17 taong gulang na dalaga mula sa Visayas na nakipagsapalarang lumuwas sa Maynila para hanapin ang kinabukasang pinapangarap para sa kanyang pamilya. Salat sa kaginhawaan at ultimo elektrisidad ay wala ang kanilang tahanan. Ikaapat sa anim na magkakapatid sa kanilang pamilya si Trish Matalubos, ngayon ay 28 taong gulang. Dahil na rin sa kahirapan sa buhay, ang tatlong nakatatandang kapatid ay hindi nakapagtapos sa pag-aaral. At isa rito ay ang kanyang ate na namamasukang kasambahay sa isang pamilya sa Marikina na siyang tumulong na makapagtapos siya ng high school.

Taong 2003 nang lisanin ni Trish ang Antique patungong Maynila upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo sa tulong ng kanyang tiyahin. Nagsimula na siyang mag-ayos ng requirements para sana sa kolehiyo nang nakatanggap siya ng tawag mula sa kapatid sa Marikina. Inalok siya ng oportunidad na magtrabaho bilang tagapag-alaga ng sanggol. Dahil na rin sa pangangailangang kumita ay tinanggap niya ito.

Sa kabila ng pagtrabaho ay ‘di niya tinalikuran ang pangarap na makapagtapos – desisyong sinuportahan naman ng kanyang mga naging amo. Nag-enroll siya sa isang malapit na eskwelahan na may programa para sa mga working student nA kursong Hotel and Restaurant Management (HRM). Sa umaga ay nag-aalaga siya ng bata at sa gabi naman ay pumapasok sa paaralan.
Makalipas ang isang taon, napansin na may kakaiba sa kinikilos ang batang kanyang alaga. Na-diagnose na may kaso ng autism ang anak ng kanyang amo. Ang ganitong uri ng kondisyon ay nangangailangan ng dagdag na kaalaman mula sa nangangalaga kung kaya bukod sa pag-aaral, ikinuha din siya ng kanyang amo ng training para magkaroon ng sapat na kaalaman dito.

Hindi naging madali ang karanasang ito para kay Trish subalit dahil na rin sa kanyang malasakit sa bata at sa training na natanggap ay nagawa niya nang maayos ang pag-aalaga. Hindi ito naging hadlang sa kanyang pag-aaral at natapos niya ang kurso sa loob ng dalawang taon. Matapos ang apat na taon na pag-aalaga ay sinimulan na niyang hanapin ang oportunidad sa corporate world na sinuportahan ng kanyang amo.

Naging maayos ang kanyang karanasan bilang office admin sa isang kumpanyang kanyang pinasukan, subalit isang taon pa lamang siyang naroon at tinawagan siya muli ng kanyang amo. Hiniling nitong bumalik siya pansamantala dahil nagkaroon ng regression ang kanyang batang alaga. Hindi siya nagdalawang isip sa pagtanggap ng alok dahil may malaking pitak na rin sa kanyang puso ang dati niyang alaga. Umabot ng dalawang taon ang kanyang pag-aaruga hanggang sa naging maayos muli ang kalagayan ng bata.

Muling naghanap si Trish ng trabaho at nakapasok sa accounting department ng isang kumpanya ng mga motorcycle parts. Habang nagtatrabaho dito ay napasok din siya sa isang multilevel marketing MLM) business at dito niya nakilala ang dalawang bagong kaibigan na siya ring naging mga business partners niya kinalaunan.

‘Di nagtagal ay nag-resign siya sa motor parts company at sinimulan nilang magkakaibigan ang Trishmark Company na may opisina sa Taguig, gamit ang kanilang mga naipong puhunan (sila ay nagsu-supply ng mga produktong pang-fire safety and protection). Nagpatuloy pa rin silang konektado sa kanilang MLM business. At dito na nagsimulang lumago ang kanyang kabuhayan.

Nagpundar si Trish ng mga gamit at napakabitan ng kuryente ang kanilang tahanan sa Antique. Bumili rin ang dalaga ng ilang pandagdag kabuhayan sa pamilya tulad ng mga baka at kambing, at natubos pa ang lupang naisanla noon ng kanyang lolo. Nang minsang nagkaroon ng malubang sakit ang kanyang tatay, naipagamot niya ito at ayon sa kanya ay nakatulong rin ang food supplement na produkto ng kanilang MLM business sa paggaling ng kanyang ama.

Napagtapos rin niya ang kapatid niyang sumunod sa kanya, habang ang bunso ay papatapos na sa kanyang vocational course na kinukuha.

Dahil sa mga nangyari ay mas higit pang tumatag ang pananampalataya ni Trish sa Diyos. Hindi raw niya kailanman inisip na ang kanilang kalagayan noon sa buhay ay magiging hadlang sa pag-abot ng pangarap. Ginamit niya itong inspirasyon para magsikap pang lalo sa buhay. Kasabay ng panalangin at pagsisikap ay ang pagbigay-prayoridad sa kalagayan ng kanyang pamilya bago ang sarili. Dahil dito ay patuloy ang pagdating ng biyaya sa kanyang buhay na bukas-puso naman niyang ibinabahagi sa kanyang mga kaibigan at pamilya.

You May Also Like

  • tagahanga

    kakainspire naman nga talaga. Pag mabuting tao ay pinagpapala talaga ng Diyos. sana ay dumami pa ang tulad mo.

  • im so proud of you!