World Slasher Cup, Nagkakasa Ng Mas Malaking Labanan

Mas malaki at mas matagumpay na edisyon ng World Slasher Cup ang pasisiklabin ng mga organizer nito simula ika-25 ng Mayo hanggang ika-1 ng Hunyo.

Dalawang magkahiwalay na 2-cock eliminations ang magaganap sa ika-26 at 27 ng Mayo na susundan ng semis sa ika-28 at 29.

Ang 4-cock pre-finals para sa mga kalahok na may dalawa, 2.5 at tatlong puntos ay nakatakda sa ika-30 at 31 ng Mayo.

Sentrong pagtatanghal naman ang 4-cock grand finals sa ika-1 ng Hunyo, kung kailan paglalabanan ang kampeonato sa pagitan ng mga undefeated entries na may iskor na 3.5 o apat na puntos.

Ang entry fee ay nakatakda sa halagang P88,000, samantalang ang minimum bet sa halagang P33,000.

Katuwang sa ikalawang edisyon ng World Slasher Cup sa taong ito ang Gamefowl Magazine, Supersabong – Bigtime Sabong sa Telebisyon, Chicken Talk, at Cockpihan – Usapang Sabong sa Radyo.

Sa inspirasyon ng matagumpay na pagtatanghal ng 2016 WSC-1 noong Enero at Pebrero, pinakamalaki sa kasaysayan nito na nilahukan ng mga magmamanok mula sa mahigit 10 estado ng US, ang ikalawang edisyon ay gaganapin ng Pintakasi of Champions bilang punong-abala.

Itinuturing na Olympics ng mga sasabungin, ang pandaigdigang laban na ito ay iniisponsuran ng Thunderbird Platinum at Thunderbird Bexan XP. (William Rodriguez)

Nasa larawan sina 2016 World Slasher Cup-1 8-Cock Invitational Derby co-champions Engr. Sonny Lagon (pangatlo mula kaliwa) at Atty. Art De Castro (pangatlo mula kanan), kasama ang ka-tandem n’yang si Mario Villamor at mga beauty queens habang tinatanggap ang mga kopa sa isang awarding ceremony sa Araneta Center. (Oliver Samson)

You May Also Like