Walang Kredebillidad ang Senado

 

 

 MAYROON tayong 24 na Senador.
 
Sa 24 na ito, lima dito ay mayroong kasong kriminal.
 
Sila ay sina Joseph Victor Ejercito, Joel Villanueva, Gregorio Honasan, Sherwin Gatchalian, at Antonio Trillanes 4th.
 
Ang kaso ni Ejercito ay may kinalaman sa maling paggamit ng P2.1 milyong pondo ng pamahalaang lokal ng San Juan City kung saan alkalde noon si Ejercito.
 
Ang P2.1 milyon ay pang-tustos sa magagastos sa magiging epekto ng kalamidad, o natural na sakuna sa mahihirap na mga residente ng lungsod.
 
Ngunit, ipinambili ng mga matataas na kalibre ng baril, na sinang-ayunan umano ni Ejercito.
 
Si Villanueva naman ay iniimbestigahan pa ng Office of the Ombudsman hinggil sa kanyang higit P2 milyong kinita mula sa P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala sa tawag na “pork barrel” na inilaan sa non-governmental-organization (NGOs) ng isang negosyante na ang pangalan ay Janet Lim Napoles.
 
Si Honasan ay parehas din kay Villanueva ang kaso.
 
Ang kaibahan, umabot sa P1.750 milyon ang nakulimbat umano ni Honasan, samantalang P2.330 milyon umano ang kinita ni Villanueva.
 
Si Villanueva ay anak ni Bro. Eddie Villanueva, ang pulitikong boss ng Jesus is Lord.
 
Si Leila de Lima bilang kalihim noon ng Department of Justice (DOJ) ang nagsampa ng kaso laban kina Villanueva at Honasan.
 
Ang kaso naman ni Gatchalian ay tungkol sa pagbili ng kanyang pamilya ng isang  bangko, kasama si Gatchalian, habang siya ay kongresista ng Valenzuela City.
 
Si Trillanes naman ay inereklamo ni dating Bise-Presidente Jejomar Binay ng libelo dahil sa serye ng paninirang-puri.
 
Si Leila de Lima naman na isang bagitong senador ay walang nahaharap na kasong kriminal sa Office of the Ombudsman, o kasong nakasalang na sa Sandiganbayan, subalit unti-unting natatalupan ang kanya umanong kaugnayan sa sindikato ng droga na nakabase sa New Bilibid Prison (NBP).
 
Sa NBP, dalawa sa 19 na nakulong dahil sa kasong droga ay nababalitang pinotreksiyonan ni De Lima noong siya ang kalihim ng DOJ.
 
Anim na taon naging kalihim ng DOJ si De Lima.
 
Ang dalawa sa 19 na bilanggo—Peter Co at Herbert Colangco—ay ang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyangg una at ikalawang drug kingpin sa Pilipinas.
 
Kamakailan, napabalitang nagbabalak ang mga kapwa senador ni De Lima na imbestigahan siya upang matukoy kung totoo, o hindi ang pagsasalarawan ni Duterte kay De Lima.
 
Ang mga senador ay gumagawa ng panukalang batas na ipatutupad at paiiralin sa buong bansa.
 
Ang mga senador ay dapat na kagalang-galang.
Dapat walang putik, o negatibong balita laban sa kanila.
 
Ang lahat ng inihelera ng Tapat News online at bi-monthly newspaper ay batay sa mga katotohang naibalita sa publiko.
 
Maaaring sabihin ng mga senador, huwag paniwalaan ang balita, sapagkat iyan ay walang katotohanan.
 
Wala bang katotohanan ang mga dokumentong nakahain sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan?
 
Sila ang nagsisinungaling, hindi ang media—hindi ang Tapat News online at bi-monthly newspaper.
 
Malayang-malaya ang mga senador na itanggi ang kasong isinampa laban sa kanila, sapagkat karapatan naman nila ito.
 
Ngunit, wala silang karapatang sabihin na walang katotohanan ang balita, sapagkat ang lahat ng mga kasong isinampa sa kanila sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan ay mayroong mga dokumentong magpapatunay hinggil sa korapsiyong kinakaharap nila.
 
Ang pagpapatunay na mali ang mga kasong kriminal laban sa kanila ay sila mismong mga senador, hindi ang media at lalong hindi ang publiko.
 
Sa ngayon, isang punto lang ang aming pinaniniwalaan nang todo: Walang kredebilidad ang Senado.
 
Tandaan natin, kahit anong pagpatay sa apoy ay tiyak na uusok, sapagkat mayroon pinasimulang maliit na apoy, na tiyak na magiging sunog, sapagkat mayroong pinagsimulaang apoy, na kahit anong gawing pagpatay ay hindi mamatay-matay ang nasusunog na krimen, anomalya, at  kontrobersiya.
 
Iisa lang ang kahulugan ng mga pangyayaring ito, uulitin namin: Ang Senado ay walang kredebilidad.
Kahit anong tanggi ng 24 senador, sigurado kami na wasak ang kredebelidad ng Senado.

You May Also Like