Walang humpay magbantay si Itay

Dear Ate Ami,
Ano po ba gagawin ko tungkol sa tatay ko? Pinakikialaman po niya ako lagi, kung anong ginagawa ko, kung nag-aral na ba raw ako, kung sino mga kasama ko kapag may lakad kami ng barkada eh kakain lang naman po kami o kaya manonood ng basketbol sa barangay. Pati gamit ko po ay minsan hinalungkat niya. Ako lang naman po ang ginaganun niya, sabi ng mga kapatid ko dahil daw ako ang lapitin ng mga boys sa amin. Hindi naman po maarte at wala po akong ginagawang masama. Pinakaokey pong kasama barkada ko at puro kami babae. Pero nasasakal na ako sa kakabantay ng tatay ko, hindi na po ako bata. Ako po’y 19, taking up commerce.
– Beng

Dear Beng,
Una, huwag kang mainis.  Tatay mo yan eh, me karapatang makialam kahit 19 ka na, pagka’t nasa poder ka pa niya.  Natural lamang sa magulang ang “makialam”, pagka’t sa kanila, hindi pakikialam iyon kungdi “pag-aalaga.”
Pagka’t gusto ng mga magulang na mapagtapos ng pag-aaral ang mga anak, pinangangalagaan nila ang mga ito sa mga “distractions” tulad ng maagang pagkakaroon ng boyfriend o girlfriend,  barkadang may masamang impluwensiya, sobrang laboy, at iba pang mga bagay na maaaring makasira ng pag-aaral.

Sabi mo, ikaw lang ang ginaganoon dahil ikaw ang lapitin ng mga boys?  Maaaring iyon ang pinakadahilan kung bakit extra-strict ang tatay mo sa iyo.  Kung bunso ka, maaring isa pa ring dahilan iyon, bine-“baby” ka niya.   Maraming mga parents ay tila hindi maka-detach sa pagbe-baby ng anak, kaya hayun, napagdidiskitahan ang bunso, lumalaki tuloy “weaklings” ang ilang mga bunso.

Anyway, kung hindi ka naman bunso, maaaring ikaw ang favorite ng tatay mo.  Hindi man aminin ng mga magulang, meron silang mga favorite sa mga anak.  Pinipilit nilang maging fair sa lahat ng mga anak nila pero halata pa rin minsan dahil mas malambing sila doon, mas mahigpit, mas pinapanigan nila kapag nag-aaway ang magkakapatid—ganun eh!  Sila mismo ay hindi maipaliwanag iyon; masalimuot ang bagay na iyan.

Baka naman kaya sobrang pakialamero ang tatay mo ay dahil favorite ka niya, dahil maaaring kamukha ka ng nanay mo noong nililigawan pa lang niya iyon, so he can’t help being jealous of boys.  Iyung paghahalungkat niya sa mga gamit mo ay isang sign na nagiging overprotective na siya sa iyo gawa noong dahilang nabanggit ko.  Hindi healthy iyon, kahit na sa isang magulang na nagmamahal, na humantong sa ganoon ang pag-aalaga sa anak.  Dapat maunawaan niya na sobra na “possessiveness” niya, at ikaw, sa ramdam ko, ang maaaring makatulong doon sa parteng iyon.  Paano?

By proving to him that you are a responsible and trustworthy child.  Magpatuloy ka lang sa pagiging isang mabuting anak—aral muna, no boyfriend, at wala kang ginagawang masama—keep it that way!  Knowing you are in the right will give you confidence in dealing with his “pakikialam”.  Next time sobra siyang mausisa, o maghalukay ng gamit mo, ngitian mo lang at sabihan mo, “Naku si Tatang, mahal na mahal ako talaga!  Huwag kayong mag-alala, mahal na mahal ko din kayo kaya’t wala akong itinatago sa inyo!”  Pagkatapos, wala lang, kalimutan mo  lang na nakialam na naman siya sa iyo.  Huwag na huwag kang maiinis, o gaganti by doing what he fears you are doing.  Kapag ginawa mo ang mga iyon, papatunayan mo lamang na tama siya sa pagsususpetsa at pakikialam niya sa iyo.  “Lunurin” mo siya sa pagmamahal at unti-unting magtitiwala ang tatay mo sa iyo.

– Ate Ami

May problema ka ba? Ikwento kay Ate Ami at ipadala sa  dearateami@gmail.com. Huwag kalimutang ilagay ang iyong edad at trabaho para sa mas angkop na payo.

You May Also Like