Walang Bago sa DSWD

 

MARAMING nagulat nang ibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Hindi tinanggap ng CPP, ngunit nagrekominda ito ng ilang tao na bahagi ng pambansa demokratikong kilusang pinamumunuan ng CPP.

Pinili ni Duterte si Judy Taguiwalo na ‘kagilas-gilas’ ang “credential,” kabilang ang pagiging propesor sa Unibersidad ng Pilipinas.

Bago maupo si Taguiwalo bilang kalihim ng DSWD, binatikos nito ang ilan sa proyekto ng kagawaran, partikular na ang Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps), dahil hindi nito maisasalba ang mga Pilipino mula sa kahirapan.

Dalawang buwan na si Taguiwalo sa DSWD, ngunit patuloy pa rin ang 4Ps.

Katunayan, ipinagtanggol pa ito ni Taguiwalo sa Kamara del Representantes habang tinatalakay ang hinihinging pondo ng DSWD para sa 2017.

Sa P129.9 Bilyon badyet ng DSWD sa susunod na taon, bahagi pa rin ang 4Ps na mayroong 4.4 milyon katao ang nakikinabang.

Ibig sabihin, sa buong 2017 ay buhay pa rin ang 4Ps gayong kaduda-dudang napagsisilbihan nito nang husto at tama ang mga taong nakalista sa proyektong ito.

Dapat sana, mayroong bagong proyekto ang DSWD sa ilalim ni Judy Taguiwalo na totoong makatutulong sa mga mahihirap na makalaya sa kahirapan.

Ang 4Ps, o anumang programa ng pamahalaan, na pamimigay lamang ng pera sa bawat mamamayan ang ideya ay hindi wasto, sapagkat ginagawa lamang ng pamahalaan na gawing palaasa ang mahihirap sa pamahalaan.

Alam na alam ‘yan ni Taguiwalo.

Kaya lang, ipinagpatuloy pa rin ni Taguiwalo ang hungkag na proyekto.

Matagal nang  binabanatan ng mga maka-kaliwang puwersa ang 4Ps dahil palpak nga ito.

Kahit ang National Economic Development Authority (NEDA) ay matagal nang nagsabi na walang kuwenta ang 4Ps, pero itinuloy pa rin ito ng DSWD ngayong mula sa maka-kaliwang puwersa ang kalihim nito.

Ipinagtanggol pa ito ni Taguiwalo sa Kamara upang idiing wasto at kailangan ng DSWD ang P129.9 Bilyong badyet para sa 2017.

Ang 4Ps ay nagsimula kay Gloria Macapagal Arroyo.

Kahit banas na banas si dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III kay Gng. Arroyo, ipinagpatuloy ng kanyang administrasyon ang 4Ps.

Katunayan, pinataas nang pinataas ang pondo nito mula 2010 hanggang 2016, kahit pinagdudahan na ng maraming sektor at politiko kung totoo ang 4.4 milyon nakikinabang umano sa 4Ps.

Matagal nang napakaraming mahihirap na mga Pilipino.

Ang totoo pa nga ay patuloy ang paglaki nito taun-taon at alam na alam ‘yan ni Judy Taguiwalo.

Ngayon, ang kailangan natin ay magkaroon ng programang tunay na mapapalaya ang mga Pilipino sa kahirapan.

Hindi naman kailangan madaliin ang programa.

Ang mahalaga ay mayroong binabalangkas ang DSWD kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na iaahon ang napakaraming Pilipino mula sa kahirapan.

Pero, kung itutuloy lang ang 4Ps hanggang 2017 at hanggang matapos ang termino ni Pangulong Duterte hanggang Hunyo 30,2022, mabuti pang buwagin na ang DSWD, sapagkat nakapalinaw na wala pala itong silbi kahit na galing sa kilusang kaliwa ang kalihim nito.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like