Villanueva, Matindi ang Pangako sa mga Manggagawa

 

 

PAGPAPATIGIL SA KONTRAKTUWALISASYON: Kumbinsido ang mga organisasyon ng mga manggagawa sa pamahalaan at pribadong kumpanya na ang pagpapatigil sa kontraktuwalisasyon ay hindi lamang laban ng mga manggagawa, kundi laban ng mamamayang Pilipino.
PAGPAPATIGIL SA KONTRAKTUWALISASYON: Kumbinsido ang mga organisasyon ng mga manggagawa sa pamahalaan at pribadong kumpanya na ang pagpapatigil sa kontraktuwalisasyon ay hindi lamang laban ng mga manggagawa, kundi laban ng mamamayang Pilipino.

Ni: Roy Bersales

 

“I vow to end contractualization and any other forms of labor abuse.”

Iyan ang pangunahing pangako ni Senador Joel Villanueva (Liberal Party) sa mga manggagawa.

Ang pangako ni Villanueva sa mga manggagawa ay nakalinya sa isinasagawang imbestigasyon at talakayan ng

Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na kanyang pinamumunuan.

Sariling posisyon lamang ng bagitong senador na tapusin ang kontraktuwalisasyon at hindi ng LP, kaya hindi siya sigurado kung suportado ng iba pang senador na kasapi ng LP ang kanyang pangako sa mga manggagawa.

Ang mga senador na kasapi ng LP ay sina Senate Pro-Tempore Franklin Drilon, Senador Benigno Paul Aquino, Senadora Leila de Lima, Senador Francis Pangilinan, at Senadora Riza Honteveros-Baraquel na bagamat kabilang sa Akbayan party-list ay kadikit ng LP.

Ang kontraktuwalisasyon, o end of contract (endo) ang pangunahing isyu ngayon sa mga manggagawa makaraang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang sistema ng pagrerekrut ng mga kumpanya ng mga manggagawa.

Sa kontraktuwalisasyon, hindi umaabot sa anim na buwan ang kontrata sa pagtatrabaho ng manggagawa upang hindi maregular sa trabaho.

Kapag kontraktuwal, napakalayo sa minimum ang sahod, walang benepisyong ibinibigay ang kumpanyang pinapasukan at pamahalaan, at hindi tuluy-tuloy ang trabaho.

Panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos nagsimula ang kontraktuwal na sinuportahan ng mga sumunod na Pangulo hanggang nitong kay Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Ayon kay Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), ang mga manggagawang kontraktuwal ay makikita sa pribadong sektor at pamahalaan.

Ani Matula, dapat hindi pinapraktis ng pamahalaan ang kontraktuwalisasyon, sapagkat alam na alam ng pamahalaan na tahasang paglabag ito sa batas-paggawa.

Idiniin ni Matula na solidung-solido ang FFW sa pakikibaka nito laban sa kontraktuwalisasyon.

Nangako rin si Villanueva na ang  babalangkasing mungkahing batas ay lilimitahan nito ang kontraktuwalisasyon sa “highly specialized fields” na uri ng trabaho.

“We have to ensure that we adopt a law that will regularize workers and ensure that they will receive social benefits and protection,” tugon pa ng senador.

Idiniin muli ng taga-pagsalita ng Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines (ALU – TUCP) na si Alan Tanjusay na hindi dapat patulan at igiiit ni Labor Sec. Sylvestre Bello III ang ideya ni Trade Sec. Ramon Lopez na gawing regular ang mga empleyado ng manpower recruitment agencies, sapagkat hindi nito tunay na ipinatitigil ang kontraktuwalisasyon.

Ang panukala ni Lopez ay pagkukonsinte sa kalokohan ng mga manpower recruitment agency, tugon pa ni Tanjusay.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like