VACC: ‘Huwag patayin ang drug pushers’

Hindi lang pala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naalarma sa serye ng papamaslang ng mga pulis sa drug pushers, kundi maging ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Nanawagan ang VACC sa Philippine National Police (PNP) na tigilan na ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug pushers.

Ayon kay Arsenio Evangelista, tagapagsalita ng VACC, dapat hindi pinapatay ang mga maliliit sa sindikato ng droga, kundi binubuhay upang makakuha ng impormasyon hinggil sa mga pinuno ng mga sindikato ng droga.

Kamakalawa, idiniin ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na “walang moral na batayan” ang pagpatay sa mga drug pusher kahit pa may malakas naa ebidensiya laban sa kanila.

Binanggit din ni Villegas na ang “shoot to kill” ay hindi rin wastong deskarte laban sa mga kriminal.

Ang pamamaril ay ginagamit lamang bilang depensa sa sarili ng mga alagad ng batas at pagtatanggol din sa ibang tao, ngunit hindi intensiyonal na pagpatay sa mgaa kriminal.

Ayon sa PNP, umabot na sa 34 ang namatay na drug pushers makaraang manalo si Mayor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo nitong halalang Mayo 9.

Idiniin ni Duterte na dapat pinapatay ang mga drug pusher at durugista upang matapos na raw ang suliranin ng bansa hinggil sa mga ipinagbabawal na gamot tulad ng shabu at ecstacy.

Idiniin ni Evangelista na ang ibig sabihin ng serye ng pamamaslang ng mga pulis laban sa mga pinaghihinalaang drug pusher ay “gusto nila i-cut off ‘yung trail, ‘yung cleansing nga. Nakakalungkot, sayang ito. Ang gusto namin malaman talaga [sa VACC ay] yung mga ulo [ng sindikato at protektor nila], from the LGUs (local government units) down to the law enforcers.”

Ang droga sa bansa ay hindi maipagkakailang napakalala at laganap.

Sabi nga ni Duterte, mayroong 35 opisyal ng pamahalaang lokal ang sangkot sa droga.

Umaasa ang VACC na pakikinggan sila ng PNP, lalo na si Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa, ang unang hepe ng PNP sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Si Dela Rosa ay pabor ding pagpapatayin na ang mga drug pusher.

Sabi nga niya minsan sa media na “sasagasaan ko sila.” (Tapat)

You May Also Like