UV kampeon sa 65th NSBC

Inagaw ng University of the Visayas (UV) ng Cebu ang korona ng Jose Maria College (JMC) ng Davao City matapos itong magwagi, 77-64, sa final game ng 65th National Students Basketball Championship noong Linggo sa Don Carlos, Bukidnon.
Lamang ng dalawang puntos ang dating kampeon, 32-30, sa pagtatapos ng first half ngunit binuksan ng UV ang second half sa paghulog ng 13-0 bomba para makuha ang kalamangan at hindi na lumingon pa.

Umiskor ng 15 puntos si Hernan Escosio at nag-ambag naman ng 13 puntos si John Michael Abad para sa UV Green Lancers. Kapwa naman silang nahirang bilang co-Most Valuable Player ng torneyong sinalihan ng anim na paaralan at inorganisa ng Basketball Association of the Philippines (BAP).

Ang JMC Kings ay pinangunahan nina Bob Ombecan at Marios Martinez na parehong may 15 puntos sa laro.

You May Also Like