UV Express pinababalik ng mga samahan ng tsuper sa Edsa

 

 

MAGKAISA ANG LAHAT PARA SA UV EXPRESS: Kumbinsido ang mga tsuper ng mga pampasaherong jeep at UV Express na maling-mali at kontra-tsuper at kontra-pasahero ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Memorandum 2016-009 na nagbabawal sa 3,000 UV Express na bumaybay sa Edsa araw-araw, kaya sila ay nagkaisa at naglunsad ng kilos-protesta upang hilingin sa LTFRB na bawiin ang nasabbing utos. (Rafael Taboy)
MAGKAISA ANG LAHAT PARA SA UV EXPRESS: Kumbinsido ang mga tsuper ng mga pampasaherong jeep at UV Express na maling-mali at kontra-tsuper at kontra-pasahero ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Memorandum 2016-009 na nagbabawal sa 3,000 UV Express na bumaybay sa Edsa araw-araw, kaya sila ay nagkaisa at naglunsad ng kilos-protesta upang hilingin sa LTFRB na bawiin ang nasabbing utos. (Rafael Taboy)

Ni: Joel O. Amongo

 
“ELITISTA, Anti-Commuter, Anti-Poor, at Anti-People!”
 
Ganito isinalarawan ni George San Mateo, pangulo ng Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), ang desisyon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na nagbawal sa UV Express na bumiyahe sa Edsa.
 
Ang desisyon ng ahensiya sa pamumuno ni LTFRB chairman Martin Degra na nakasaad sa LTFRB Memorandum 2016-009 ay nag-uutos sa lahat ng UV Express na huwag nang daraan sa Edsa.
 
Sa halip, sa mga kalye sa loob ng mga komunidad inatasan ng LTFRB na bumaybay ang mga UV Express.
 
Ayon pa rin sa nasabing  memorandum, pinapayagan lamang ang UV Express na dumaan sa Edsa kung tatawid ito mula sa isang kalye patungo sa karugtong nito.
 
Ang layunin ng kontrobersiyal na utos ng LTFRB ay makatulong sa plano ng administrasyong Duterte na maibsan ang matinding suliranin ng trapiko sa Metro Manila, partikular sa Edsa.
 
Tinatayang 3,000 UV Express ang tinamaan ng LTFRB Memorandum 2016-009.
  
Kumbinsido ang PISTON at ang Unity of Drivers, Operators and Commuters Against EDSA Ban of UV Express (Alyansa) na maling-mali at pahirap sa mga tsuper ng UV Express ang ginawa ng LTFRB, kaya naglunsad sila ng kilos-protesta sa harapan ng LTFRB mula alas 8:00 ng umaga hanggang bago mag-alas dose ng tanghali kung saan ipinarating ang kanilang panawagan na bawiin ng LTFRB ang memorandum nitong kontra-UV Express.
  
Sa pagkilos na dinaluhan ng tinatayang 400 tsuper, tahasang nanawagan ang PISTON at Alyansa sa LTFRB na “UV Express Service, Ibalik, Ibalik sa EDSA!” at “EDSA Ban sa UV Express, Ibasura!”
 
Tinanggap ni LTFRB Legal Department director Atty. Robert Peig ang posisyon ng mga nagprotesta.
 
Nangako si Peig na ipararating sa pamunuan ng LTFRB ang panawagan ng Alyansa.
 
Idiniin ni San Mateo, co-convenor din ng Alyansa, na hindi lang naman ang mga tsuper ng UV Express ang apektado sa desisyon ng LTFRB, kundi higit na kawawa ang mga pasahero sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan tulad ng Caloocan, Bulacan, San Mateo, Antipolo,  Cavite, at iba pa.
 
Ayon sa taga-pagsalita ng Alyansa na si Rogelio Castillo, “Maka-isang panig, arbitraryo, walang kaukulang public consultation, at walang konkretong batayan” ang desisyon nina Delgra.
 
“Ni walang konsultasyon sa mga stakeholder, o mga sektor na naperwisyo ng isinagawang pagbabawal ng LTFRB. Samantalang kung kami (mga tsuper) naman ang may hihilingin na pagbabago sa ruta at destinasyon ng mga UV Express, kailangan muna kaming dumaan sa mahabang proseso ng public hearing. Pero, kapag may gustong ipatupad ang LTFRB, kara-karaka at walang pakundangan ang ginagawang kautusan. Tapos ay ilang araw lang ang palugit, kaya’t nabigla ang mga pasahero, driver at operator,” paliwanag ni Castillo.
 
“Ang nasabing memo ay walang laman kundi ang pag-amyenda ng kondisyon sa pagbibiyahe ng mga UV Express na mula sa dati na dapat point-to-point ang pagseserbisyo, idinagdag ang kondisyon na bawak bumiyahe ang mga ito sa EDSA,” ratsada ni San Mateo.
 
Ipinaalala pa ng pambansang pangulo ng PISTON na “sa media lang inanunsiyo ni Delgra ang pagbabawal sa mga UV Express sa Edsa upang makabawas diumano sa trapik.”
 
Sa tinatayang 3,000 UV Express ang bumabaybay sa EDSA araw-araw, “maliit lamang ito sa porsyento ng dumadaan sa Edsa [kung ikukumpara] sa mga pribadong sasakyan na siyang tunay na pinagmumulan ng masikip na daloy ng mga sasakyan,” diin pa ni San Mateo.
 
Aniya, ang dapat ipagbawal ng LTFRB ay ang mga pribadong sasakyan na dumadaan sa Edsa, lalu na iyong may dalawang katao lamang ang sakay.
 
Ang tinutukoy ni San Mateo ay ang mga pribadong sasakyan.
 
Sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umabot sa 264,000 ang bumabaybay na pribadong sasakyan araw-araw sa Edsa noong 2013.
 
Mahigit naman sa 15,000 ang city at provincial buses ang bumibiyahe sa parehong mayor na kalsada araw-araw noon ding 2013, batay pa rin sa datos ng MMDA.
 
Tiniyak nina San Mateo at Castillo na hindi titigil ang PISTON at Alyansa sa pangangalampag sa LTFRB hanggang iatras nito ang LTFRB Memorandum 2016-009.

You May Also Like