Uso pa ba ang harana?

yenSa panahon ngayon, paano nga ba malalaman kung wagas ang pag-ibig na inaalay? Paano nga ba ipinapahayag ang pag-ibig na tunay? Ano o saan nga ba ang tamang pagpapahayag ng iyong saloobin o nararamdaman? Nagsisimula ba ‘yan sa inuman o sa loob ng tahanan?

Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya sa Pilipinas ay ang pagbabago ng kultura nating mga Pilipino, higit lalo sa usapin ng pag-ibig. Sabi nga ng iba ay ‘techie mode’ na raw ang panliligaw ngayon. Totoo nga ba? Dinadaan sa social media, texting, email, atbp. Pero sa mga ganitong uri ba ng pagpapahayag ay maipadarama mo sa iyong nililiyag ang katapatan ng iyong puso?

Makaluma man pakinggan pero para sa akin ay mas gugustuhin kong magsimula ito sa loob ng tahanan dahil naniniwala ako na ang tunay na pagmamahal ay kaakibat ng lakas ng loob na humarap sa pamilya ng iyong napupusuan at sabihin ito sa kanya ng harapan.

Sa ganitong paraan, maipapakita mo sa iyong nililiyag ang sinseridad na may mabuti kang intensyon na makuha ang kanyang matamis na ‘oo’. Korni pero wala ng mas sasarap sa isang pagmamahal ng isang taong kaya kang ipaglaban at panindigan.

Ang tanong, mayroon pa kayang ganito ngayon? Sabi ng iba wala na raw, sabi naman ng iba mayroon pa. Siguro naman, meron pa — hindi pa nga lang kami nagkikita.

Hindi ako naniniwala sa mga ‘torpe’ kasi tayong mga tao kapag may gustong-gusto, andoon ang pagpupursige at pagiging desidido. Tayo mismo ang gumagawa ng paraan upang makamit anuman ang naisin natin.

Masuwerte ang mga lalaking nakahanap ng totoong magmamahal sa kanila, lalo na iyong pareho nilang mahal ang isa’t isa. At para sa mga ‘alone but not lonely’ ang peg ngayong buwan ng mga puso, huwag kayong mag-alala… Patience + Pray = True Love.

Ang pag-ibig na wagas ay dumarating sa tamang oras — mula sa mga taong handang hamakin ang lahat at ipaglaban ang kanilang mahal.

(re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like