Usapang taxi

meloUgali kong makipag-usap sa bawat taxi driver na aking nakakasama sa paglalakbay. Mula sa kumustahan at pagtatanong kung naka-boundary na ba sila, nakararating ang huntahan sa larangan ng pulitika, ekonomiya, kultura at iba pang paksang hindi mo halos marinig sa mga regular na mamamahayag lalo pa’t abala sila sa mga kwentong pulitiko, sa mga naghahangad maging senador, gobernador at mayor atbp.

Nakalulungkot nga na natatakpan ng usaping Kris-James-Baby James at Chiz-Heart ang nagaganap sa Sabah na ayon sa ilan ay kusang sinasadya upang pagtakpan ang kakulangan ng pamahalaan.

Napag-usapan namin ng ilang tsuper ang kanilang kalagayan sa ilalim ng isang malaking operator. Karaniwang higit sa isang libong piso ang kanilang boundary, depende sa kung bagong-bago ba ito o ilang turnilyo na lang ang kailangan at magkakahiwa-hiwalay na. Mapapaisip ka tuloy kung paano nakalusot sa istriktong mga tauhan ng Land Transportation Office ang mga ito.

Naikwento ng ilang tsuper na pag nagasgasan ang kanilang taxi, pinababayaran sa kanilang mga tsuper ang pinsala. Kinakaltasan sila ng kontribusyon sa SSS subalit ayaw namang pirmahan ng kumpanya kung sila’y mangungutang sapagkat baka raw takbuhan ng tsuper na nangangailangan ang kayang obligasyon.

Nakatutuwang regulasyon ng kumpanya ng taxi na kung kulang ang iyong boundary, sasamsamin ang lisensya ng pobreng tsuper hanggang sa hindi nababayaran ang kakulangan. Hindi natin maikakaila na mayroong mga tsuper na kusang manununog ng boundary subalit karamihan nama’y tapat sa kanilang hanapbuhay.

Ang siste pa nito’y obligado kang bumili ng basahan sa halagang sampung piso, kailangan mo ring bumili ng sampaguita na lima o sampung piso, magbabayad ka ng P 30.00 para sa sandalang rattan. Sa oras na magpapagawa ka sa mekaniko’y susuhulan mo pa ng P100 upang gawin kaagad ang iyong unit at nang ika’y makapasada.

At hindi lamang iyan, kwento ng isang nakausap ko, natrangkaso siya ng isang linggo at naratay sa banig ng karamdaman. Pagpasok niya, may utang siyang P3,000 dahil “nabitin” daw ang unit na kanyang dinadala na karaniwan nama’y ipinadadala sa mga “extra.”

“Nagkasakit ka na nga, hindi ka na nga kumita, nagkautang ka pa,” daing ng pobreng taxi driver na kakwentuhan ko. Nakalulungkot ang ganitong mga pagkakataon na tila hindi nalalaman at nasisiyasat ng mga alagad ng pamahalaan. Sino ang mangangahas na ipasiyasat ito? Sino ang nakababatid ng tunay na kalagayan ng mga tsuper ng taxi? Nasaan ang magagaling na party list lawmakers? Nasaan ang maeepal na senador na karamiha’y nagpapa-cute sa taong bayan?

* * *

Nadagdagan ang aking mga kaibigan. Naiwan ko ang aking wallet sa Cris-Iris Taxi (UVU 191) Linggo ng gabi. Tinawagan po ako ni Monet Timbol at ang sabi’y natagpuan ng tsuper na si Ricky ang aking wallet. Pinuntahan ko sa Kamuning area at walang anumang nawala sa laman nito. Kahit pa umano hirapan si Ricky na may apat na anak at dalawang ampong pamangkin, hindi siya nag-atubiling ibalik ang aking wallet. Salamat po sa inyo. Nag-iwan naman ako ng kahit kaunti at nangako sa aking sariling babalikan ko si Ricky at ang kanyang pamilya.

You May Also Like