Usapang suwelas

Pa’no patagalin ang buhay ng sapatos? Ang sikreto diyan ay nasa pag-aalaga. Heto ang ilang tips:

usapang suwelas-old shoes

Pansinin mo kung paano ka maglakad.
Kung parang gusto mong marinig ang tunog ng takong mo tuwing naglalakad ka, sinisira mo ang iyong sapatos. Maglakad ka ng hindi tila nilalampaso ng suwelas mo ang sahig upang hindi mapabilis ang pagpudpod nito.

Gamitin ang wastong sapatos para sa wastong aktibidades.
Isusuot mo ang sandalyas mo tapos magba-basketbol ka? O ang gamit mo ay 4-inch heels para maglakad ng buong maghapon? Naku, hindi lang sasakit ang paa mo at magkakaroon pa marahil ng paltos; sinisira mo pa ang sapatos mo. Ang bawat uri ng sapatos ay ginawa para sa tanging sadya, kaya’t ang mga ito ay tatagal kung gamitin para sa wastong sadya lamang.

Linisin, linisin at linisin pa.
Ang alikabok, putik at iba pang uri ng dumi ay maaaring makasira ng materyales ng sapatos, maging ito ay tela, balat o goma. Punasan ito araw-araw sa pamamagitan ng malinis na basahan. Mamasa-masang basahan naman ang gamitin upang tanggalin ang natuyong putik. Kung may biton ka, gamitin ito sa balat na sapatos paminsan-minsan bilang karagdagang proteksyon mula sa dumi.

Regular na palitan ang suwelas.
Depende ito sa uri ng sapatos, pero madalas kung balat o leather shoes, mainam na pinapalitan ang goma na suwelas kahit na hindi pa sagad ang pagkapudpod nito. Kadalasan ay mas nakatitipid pa nga ang ganito imbis na bili nang bili ng bagong sapatos dahil ang bilis napudpod at nasira ng suwelas ng sapatos.

You May Also Like