Usapang pangkapayapaan, daang mahirap daanan

 

 

 HINDI solusyon ang usapang kapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) upang magwakas ang napakaraming suliraning ng Pilipinas, pangunahin na ang kahirapan at kawalan ng panlipunang katarungan sa bansa.
 
Ang usapang pangkayapaan ay daan lamang upang matukoy at magkasundo ang GRP at NDFP kung anu-ano ang mga suliranin, o isyu na dapat bigyan ng solusyon.
 
Ngunit, ang daang ito ay mahirap daanan.
 
Hindi makapasok ang mga taong dapat pumasok.
 
Hindi makadaan ang mga sasakyang dapat dumaan.
 
Ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo ay nagsimula pa noong 1987—noong ang Pangulo ng Pilipinas ay si Corazon Cojuangco Aquino pa.
 
Mula noon, marami nang naging Pangulo ng bansa, ngunit hindi pa rin matuluy-tuloy.
 
Marami nang nailatag na mga rekesito at kondisyon ang mga representantibo ng dalawang panig, ngunit hindi pa rin umuusad.
 
Habang matagal, mabagal, at  masalimuot ang mga kaganapan upang matuloy ang usapang pangkapayapaan, lumalala ang kahirapan, dumarami ang bilang ng mahihirap na mga Pilipino, nadadagdagan ang bilang ng mga napagsasamantalahan, lumalalim ang pang-aapi ng mga mayayaman at makapangyarihan laban sa mga mahihirap at mga ordinaryong tao.   
 
Ang mga suliranin at isyu na gustong sipatin at pag-usapan ng GRP at NDFP noong 1987 hanggang sa kasalukuyang taon tulad halimbawa ng kahirapan, pananamantala ng mayaman sa mga mahihirap, at mababang pasahod sa mga manggagawa ay panahon pa ng paghahari ng Kastila sa Pilipinas naganap.
 
Maganda ang pakay ng usapang pangkapayapaan, ngunit ang napalaking tanong ay anu-ano ang mga hadlang dito?
 
Isa pa ring malaking tanong ay kung sinu-sino ang nagpapabagal dito?
 
Ngayong si Rodrigo Duterte na ang Pangulo ng Pilipinas, sanay matuloy na ang usapang pangkapayapaan.
 
Napakagandang oportunidad upang ituloy at pag-usapan na ang mga nararapat na solusyon sa napakaraming suliranin ng bansa na matagal nang nagbaon sa mamamayang Pilipino sa bangin ng kahirapan ngayong si Duterte na ang Pangulo, sapagkat bukas ang Pangulo sa pagbabago.
 
Halimbawa, gusto ni Duterte na mawala na ang  kontraktuwalisasyon, o end of contract (endo) (tatlo hanggang limang buwan pagtatrabaho sa isang kumpanya, o pabrika).
 
Bukas si Duterte na matigil ang pagmimina kung hindi susunod sa batas at aayusin ng mga mining company ang kanilang negosyo at operasyon.
 
Hangad din ng Pangulo na matapos na ang napakatalamak na katiwalian at korapsyon sa pamahalaan mula sa pambansang antas hanggang sa mga pamahalaang lokal.
   
Upang matuloy, kailangan lamang ang katapatan at determinasyon ng GRP at NDFP upang tiyaking matuloy na ang usapang pangkapayapaan.
 
Kung, sa pagkakataong ito ay mayroon pa ring magiging balakid, dapat magkusa na ang sinuman mula sa dalawang panig na tanggalin ang balakid na ito.
Ang dapat na pangunahing iniisip sa pag-uusap ng GRP at NDFP ay hindi ang pansariling interes ng sinumang indibidwal at organisasyon, kundi ang bansa at ang mamamayan nito—ang kinabukasan ng dalawang ito.

You May Also Like