Unang SONA ni Rodrigo R. Duterte: Walang Tangke ng Militar, Walang Container Vans, Walang Barikada ng mga Pulis, at Walang Marahas na Dispersal

 

 

PEOPLE'S SONA: Malayang nakapagsalita at nakapagpaliwanag ang mga kaliwang puwersa, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), hinggil sa sinasabi nilang tunay na kalagayan ng bansa at ng iba't ibang sektor ng bansa na tinagurian nilang 'People's State-of-the-Nation-Address.' (Rafael Taboy)
PEOPLE’S SONA: Malayang nakapagsalita at nakapagpaliwanag ang mga kaliwang puwersa, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), hinggil sa sinasabi nilang tunay na kalagayan ng bansa at ng iba’t ibang sektor ng bansa na tinagurian nilang ‘People’s State-of-the-Nation-Address.’ (Rafael Taboy)

Ng: Tapat News Team (TMT)

 
MARAMI pa ring pulis ang nagmando sa rally ng mga kaliwang puwersa sa unang state-of-the-nation-address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
 
Ngunit, ang naging papel ng pulisya ay upang tiyaking maayos, mapayapa, at ligtas ang rally, ayon kay Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, tumatayong pinuno ng Quezon City Police District Office (QCPD).
  
Sabi ni Eleazar, wala nang tangke ng militar, walang container vans, walang barikada ng mga pulis, at walang marahas na dispersal.
 
Ani Eleazar, nagpasya ang Philippine National Police National Capital Region Police Office (PNP-NCR) na payagan mag-rally ang mga kaliwa sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) dahil suportado naman nito ang administrasyong Duterte.
 
Nangako rin naman ang Bayan na magiging mapayapa ang kanilang pagkilos.
 
Sabi pa ni Eleazar, inalok pa nga siya ni Renato Reyes, pambansang taga-pangulo ng Bayan, ng isang basong taho nang sila ay magkita sa Commonwealth Avenue.
 
Kahit si Director-General Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ay nasiyahan sa mapayapang pagkilos ng mga kaliwang puwersa.
 
Nagbiro pa nga si Dela Rosa nang sabihan niya si Reyes na “kung gusto mo, paalisin na natin ang mga pulis.”
 
Ngumiti lang si Reyes.
 
Ayon kay Reyes, ang pagkilos ng mga kaliwang organisasyon, sa pangunguna ng Bayan, ay pagpapakita ng suporta sa administrasyong Duterte.
 
Inamin ni Reyes na mayroong “alyansa” ang Bayan at iba pang pambansa-demokratikong organisasyon, ngunit ipagpapatuloy nilang ipaglaban ang pagtatapos ng malawakang kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa, kawalan ng trabaho at maliit na sahod, kawalan ng lupa ng maraming magsasaka, kahirapan at gutom, militarisasyon sa mga lalawigan, karapatang-pantao, pagsasampa ng mga pinalaking kaso laban sa mga aktibista at progresibong puwersa, K to 12 program, pribitisasyon ng mga pampublikong pagamutan, at iba.
 
Idiniin ni Reyes na kaya inilunsad ng kanyang grupo ang tradisyunal na “people’s SONA,” ay dahil ito ang pagkakataon kung saan nababanggit at naipaliliwanag sa publiko ang tunay na kalagayan ng Pilipinas.
 
Pagkakataon ang people’s SONA na matalakay ang mga suliranin ng iba’t ibang sektor ng bansa na kanilang direktang nakaranasan, sabi ni Reyes.
 
Idiniin ni Reyes na kailangang resolbahan ang ugat ng madugong hidwaan sa pagitan ng mga rebelde at pamahalaan.
 
Naniniwala ang Bayan na nauunawaan ni Duterte ang hinaing at pakikibaka ng mga kaliwang puwersa, kaya sila pinayagan ni Duterte na maglunsad ng people’s SONA.

You May Also Like