Unahin kaya ni Bello ang Asiapro?

Ipinapaalala at muling idinidiin ng Tapat News ang paninindigan ni incoming Labor Secretary Sylvestre Bello III hinggil sa kontraktuwalisasyon.

Nitong Hunyo 13, ipinunto ni Bello, nang kapanayamin siya sa isang programa sa radyo, ang mga sumusunod:

  1. Mali at hindi makatuwiran ang kontraktuwalisasyon;
  1. May malinaw na batas na ipinagbabawal ito—ito ang Anti-Contractualization Law;
  1. Sinasadyang baluktutin ng mga negosyante ang nasabing batas upang hind imaging regular ang mga manggagawa, ngunit paulit-ulit din namang kinukuha ng management ng kumpanya;
  1. Tinutulugan o sinasadya ng kasalukuyang pamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na huwag ipatupad ang Anti-Contraactualization Law.

Sa kanyang mga naging pahayag at paliwanag ay nagkaroon ng ‘pag-asa’ ang iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawa na mukhang tutuhanin ng adminitrasyong Duterte ang pagsugpo sa kontaktuwalisasyon, sa pamamagitan ni Bello.

Bakit hindi unahin ang Asiapro Multi-Purpose Cooperative?, hamon ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at advocacy officer ng Associated Labor Unions (ALU).

Ayon kay Tanjusay, ang Asiapro ay siyang “pinakamalaki at pinakamayamang” manpower agency sa Pilipinas.

Ito, aniya, ang nagsusuplay ng mga manggagawa sa maraming kompanya uang magtrabaho bilang kontraktuwal.

Idiniin ni Tanjusay na konektado si Bienvenido Laguesma sa Asiapro.

Si Laguesma ay ka-brod ni Bello sa Aquila Legis Law Fraternity.

Sina Laguesma at Bello ay parehong nagtapos ng abogasya sa Ateneo de Manila University (AdMU), eksklusibong unibersidad ng mga anak ng mga mayayaman sa Pilipinas.

Sabi ni Tanjusay, si Laguesma ay siyang lider ng transition team ng administrasyong Duterte sa DOLE.

Nagulat’ ang TUCP at ALU dahil ang sinuportahang kandidato sa pagkapangulo ni Laguesma ay si Vice-President Jejomar Binay, ngunit hindi ‘nagtaka,’ sapagkat idiniin ni Tanjusay na mahusay lumaro o dumiskarte si Laguesma.

Ngunit, malinaw sa TUCP at ALU kung si Laguesma ay abogado ng Asiapro, o isa sa mga may-ari nito.

Napag-alaman din ng Tapat News mula kay Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), na naging abogado si Laguesma ng mga malalaking kompanya na pawang notoryus sa kontraktuwalisasyon tulad ng mgaa estabilisimiyento nina Henry Sy, Lucio Tan, at maging ng pamilya Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN.

Sabi pa ni Fortaleza, si Laguesma ang may pakana ng outsourcing ng mga empleyado sa Philippine Airlines (PAL) simula noong 1998, kung saan siya ang kalihim ng DOLE.

Ang pangulo sa panahong iyan ay si Joseph “Erap” Estrada na kaibigan ni Lucio Tan, ang may-ari ng PAL.

Simula noon, walang humpay na ang outsourcing sa PAL.

Ang pinakahuli ay isinagawaa nitong Nobyembre 2015 kung saan 200 empleyado ang nawalan ng trabaho, isang buwan bago magpasko.

Ang outsourcing ay isang porma ng kontraktuwalisasyon.

Ang siste ay tinatanggal ang mga regular na empleyado ng kompanya at kumukuha sa agency para hindi regular.

Ang lohika nito ay bawas gastos kasi mas maliit ang sahod at walang benepisyo, hindi tulad ng regular na empleyado—minimum ang sahod tapos mayroong 13th month pay at bonus pa.

Kung tutuusin, maliit na halaga, pero ipinagkakait pa ng mga kapitalista.

Idiniin pa ng tagapagsalita ng PM na “paboritong” abogado si Laguesma ng mga kapitalista.

Kaya, tuwing mayroong banggaan ang mga unyon at mga kapitalista ay lagging nakabalndra si Laguesma dahil kumbinsido silang matatalo ang unyon.

Ngunit, kahit ganito hindi sumusuko ang mga unyonista na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at interes kontra sa mga kapitalista.

Positibo ang mga pahayag at desisyon ni Bello, ngunit magkakasubukan kung isa sa mga uunahin niya ang Asiapro na idinikit ni Tanjusay kay Laguesma. (Bernard Badilla-Toledo)

You May Also Like