Ulan, baha, trapik atbp.

meloSa pagsapit ng tag-ulan, maraming natuwa sapagkat naibsan ang napakatinding init noong nakalipas na ilang buwan. Tagaktak ang pawis at walang mapuntahan kung hindi ang malalamig na shopping malls. Salamat na lamang sa mga nakaisip magtayo ng malalaking mall sapagkat may pagkukublihan ang taongbayang naiinitan.

Walang bayad ang pagpasok sa mga mall. Kaya nga lamang ay bubulatlatin ng mga security guard na may hawak na chopstick at sisilipin kung anong laman ng iyong bag. Itanong mo naman sa kanya kung anong anyo ng bombang maaaring ilagay sa bag at hindi niya masagot. Talaga nga naman, it’s more fun in the Philippines.

Subalit ang isang malaking palaisipan sa karaniwang Pilipino ay bakit sa unang pagpatak ng ulan ay biglang magkukumahog mag-aayos ng mga drainage, maghuhukay ang Maynilad at Manila Water at ang mga magsi-semento ng mga lansangan?
Isang halimbawa ay ang hindi matapos-tapos na paghuhukay ng Maynilad sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard na walang angkop na babala sa mga motorist. Dapat sana’y may distansyang ilang metro bago sumapit ang hinihukay ay mayroong babala, subalit wala. Wala bang pagpapahalaga ang kinauukulan?

Sa telebisyon, sinabi ng DPWH na dapat sana’y nagawa na nila ang pag-aayos ng mga lansangan at drainage systems subalit natagalan ang kanilang mga permiso sa MMDA. Ayon naman sa MMDA, kasalanan ng DPWH dahil hindi nila ginawa nang mabilis ang kanilang mga proyekto.

Hindi na nakakatawa ang ganitong mga pagkakataon. Samantalang lublob sa baha ang karaniwang mamamayan, ang mga guro at mag-aaral, hindi halos gumagalaw ang mga sasakyan, magdedeklara ang pamahalaan ng suspensyon ng klase, lumalabas na taongbayan ang talo sa kalakarang ganito.

Walang natutunan ang mag-aaral. Nasira na rin ang maghapon ng manggagawa. Nabimbin ang trapiko. Ang sabi nga’y sangkaterbang man hours ang nawala kaya’t pati ang productivity ng taongbayan ay patuloy na bumababa.

Hanggang kailan tayo ganito? Pati nga mga weather forecaster at mismong pinuno na ng PAGASA ay nag-alsa balutan at nangibang-bayan, ano pa naman ang hahanapin mo?

Magandang pakinggan ang “Daang Matuwid”. Walang masasabi sa adhikaing ito. Nagkataon lang na ang daang ito’y lubak-lubak sa bawat paghupa ng baha.

You May Also Like