Ubod nang baba ng sahod kahit 7% GDP

Ni: Nelson S. Badilla
 
Ngayong Agosto 2016, ang minimum na sahod sa Metro Manila ay P491.00 bawat araw.
 
Iyan na ang pinakamataas sa buong bansa sa mga manggagawa, o empleyado na hindi nagtatrabaho sa bukid/agrikultura.
 
Ang pinakamababa ay ang malaking bahagi ng Region 4 – B at Region 8 na P260.00 kada araw.
 
Ang sahod ng mga manggagawa at empleyado ay itinakda sa porma ng minimum na sahod sa mga kapitalista at mala-pyudal na lipunan.
 
Ang sukatan ng minimum na sahod  ay haba ng oras na itinatagal ng manggagawa sa paggampan nito ng trabaho.
 
Ang minimum ay nakabatay sa walong oras, o katumbas ng isang araw.
 
Kung pito, o apat na oras (kalahating araw), ang sahod mo ay katumbas ng pito, o  apat na oras na ipinasok ng manggagawa.
 
Kung sumobra sa walo, dapat mayroon kang matatanggap na sobrang bayad (overtime pay).
 
Ngunit, ang sobrang bayad na ito ay hindi kapareho ng bayad sa isang oras ng orihinal na walong oras na ipinasok ng manggagawa.
 
Mas mababa ang bayad sa overtime.
 
Mababa na nga, hindi pa lahat ng kumpanya ay nagbabayad ng overtime pay.
 
Napakarami ang hindi nababayaran tulad sa mga restoran at security agency.
 
Nakagawian, o praktis na ito dahil hindi naman pumapalag, o umaangal ang mga manggagawa dahil sa takot na mawalan ng trabaho.
 
Ayaw na nilang umangal dahil baka sila tanggalin sa kumpanya at kung mawalan sila ng trabaho, tiyak mahihirapan silang maghanap ng panibagong trabaho.
 
Alam na alam ito ng mga kapitalista, kaya napakalakas ng loob nilang manamantala sa mga manggagawa.
 
Kabisado ito ng mga kapitalista, kaya wala silang takot na manloko at manamantala ng mga manggagawa.
 
Ang binabanggit nating ito ay hindi haka-haka, o resulta ng kathang-isip, o imahinasyon.
 
Kinumpirma ito ng Ibon Foundation, isang independent study group.
 
Sa kanilang pag-aaral umaabot sa 46.1 porsiyento simula 2013 ang mga manggagawang malayo sa minimum na sahod ang tinatanggap mula sa kanilang mga amo. 
   
Paniyak, kasama diyan ang Metro Manila, ang malaking bahagi ng Region 4 – B at Region 8.
 
Ayon sa Ibon, umabot lang sa  24.6% ang mga manggagawang nakatatanggap ng tamang minimum wage.
 
At nasa 29.4% naman ang higit sa minimum ang natatanggap.
 
Ang mga manggagawang lampas minimum ang sinasahod kada buwan ay hindi naman sobrang laki ang kinikita kada buwan.
 
At ang mga ito ay medyo mataas ang posisyon sa kumpanyang kanilang pinapasukan.
 
Ang 24.6% na nakatatanggap ng tamang minimum na suweldo ay hindi nangangahulugang maganda ang buhay kumpara sa 46.1% dahil lamang sa simpleng rason na tamang minimum na suweldo nila kada araw, o buwan.
 
Maling-mali na maging batayan iyan, sapagkat ang minimum na sahod na tumaas sa P491.00 mula sa P481.00 nitong Mayo para sa mga nagtatrabaho sa Metro Manila ay kapos ng P604.00 kada araw upang maging P1,096 bawat araw.
 
Kung paniniwalaan natin ang pag-aaral ng Ibon Foundation, kailangang kumita ng higit P1,000 bawat araw ang isang pamilya na lima ang miyembro.
 
Sa ganitong sahod, posible nang makamit ang disenteng buhay—posible lang po ha dahil hindi pa sigurado.
 
Kailangan ding tumaas ang sahod ng mga manggagawa at empleyado sa lahat ng panig ng bansa, sapagkat silang lahat naman ay naghahangad na magkaroon ng disenteng pamumuhay upang matustusan ang lahat ng pangangailangan araw-araw, kabilang na ang gastos sa baon at pamasahe ng kanilang mga anak.
 
Sa kasalukuyan, higit 67 milyon na ang kabuuang bilang ng mga manggagawa sa Pilipinas, kabilang na ang 2.4 milyong naghahanap-buhay sa ibang bansa (overseas Filipino workers).
 
Ayon sa datos ng pamahalaan, mahigit anim na porsiyento ang walang trabaho nitong Abril.
 
Ilang milyon ang 6% sa mahigit 67 milyong manggagawang may trabaho?
 
Sa mga manggagawang may trabaho, mahigit 35 milyon sa kanila ang kontraktuwal, o hindi lalampas sa limang buwan ang trabaho alinsunod sa kanilang kontrata sa kanilang kumpanya, ayon kay Alan Tanjusay ng Alliance of Labor Unions (ALU) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
 
Ang mahigit 35 milyong ito ay wala sa minimum ang natatanggap na sahod kada buwan—at wala ring natatanggap na benepisyo mula sa Social Security System (SSS).
 
Ito ang katotohanang hindi maipagkakailang nakalunus-lunos na kalagayan ng mga manggagawa sa Pilipinas.
 
Nangyayari ito sa ating bansa, samantalang umabot sa 7% ang gross domestic product (GDP) sa unang semestre ng 2016 (Enero – Hunyo).
 
Ibig sabihin, maganda ang istatus ng ekonomiya ng bansa sa panahong ito, ngunit napakaraming manggagawa na napakababa ng kanilang sahod—na mas mababa pa sa minimum.
 
Ang ibig sabihin nito, hindi tumutugma at sa gayon hindi makakaagapay ang buhay ng mga manggagawa sa sinasabing pitong porsiyentong GDP.
 
Kung 7% ang GDP, bakit mababa ang sahod ng mga manggagawa, o empleyado?
 
Ganito ba talaga, o ito na ang kawalanghiyaang ginagawa ng mga kapitalista sa mga manggagawa?
———————–
Nelson Salazar BadillaBukod sa pagiging Kolumnista ng Tapat News, si Dr. Nelson S. Badilla ay Reporter ng The Manila Times, at  guro sa isang unibersidad sa Metro Manila.Ang itinuturo ni Dr. Badilla ay Public Administration at Basic Economics courses.Ang mga natapos niya ay Doctor in Education, Major Educational Management (University of Rizal System-Morong, Rizal), Master of Public Administration (University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance), at A.B. Political Science (Philippine Christian University).Kumuha rin siya ng higit 30 yunit ng Master in Education (Polytechnic University of the Philippines Graduate School).Sa susunod na semestre, kukuha si Dr. Badilla ng Master in Communication, na proyekto ng National Press Club (NPC) sa pakikipagtulungan ng Polytechnic University of the Philippines Graduate School.

You May Also Like