Tuloy ang Usapang Pangkapayapaan—Dureza

 

 

Ni: Marites Badilla
 
TINIYAK ni Presidential peace adviser Jesus Dureza na tuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
 
Mula Agosto 20 hanggang Agosto 27 sa Oslo, Norway pa rin magaganap ang ikalawang ulit ng pag-uusap ng pamahalaan at ng NDFP, banggit ni Dureza.
 
Idiniin ito ni Dureza sa kabila ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na iatras ang unilateral na pagtigil sa pag-atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) laban sa armadong yunit ng Communist Party of the Philippines (CPP) na New People’s Army (NPA).
 
Binawi ni Duterte nitong Sabado sa ganap na alas 5:00 N.H. ang kanyang utos, matapos hindi magdeklara ng pagtigil sa pag-atake laban sa puwersa ng pamahalaan ang pamunuan ng CPP-NDF nitong 5:00 N.H. ng Sabado.      
 
Ang ultimatum na ibinigay ng Pangulo sa komunistang grupo ay naka-angkla sa pag-atake ng NPA sa tropa ng pamahalaan sa Davao del Norte nitong Hulyo 27 kung saan isang CAFGU ang namatay at apat na sundalo ang nasugatan.
 
Nagalit si Duterte sa pangyayaring ito, kaya nagbigay siya ng ultimatum sa NDFP nitong Hulyo 28 na iaatras niya ang utos niya sa AFP at PNP na itigil ang pag-atake ng mga ito sa NPA.
    
Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 25 nagdeklara ng unilateral na pagtigil ng atake ng AFP at PNP sa komunistang grupo.
 
Kinabukasan, nag-isyu ang pamunuan ng AFP Suspension of Military Operations (SOMO).
 
Hulyo 27, inanunsiyo ng PNP ang Suspension of Police Operations (SOPO) nito laban sa NPA.
 
Nitong Huyo 29, naglabas ng pahayag si Jose Ma. Sison, pangunahing consultant ng NDFP at taga-pagtatatag ng CPP, na hindi kaagad magdedeklara ang NPA ng pagtigil ng operasyon nito laban sa AFP at PNP, sapagkat pinag-aaralan pa ng pamunuan ng CPP at NPA kung totoong sinunod ng AFP at PNP ang utos sa kanila ni Duterte.
 
Nitong sabado, sabi ni Sison, nakatakdang magdeklara ang pamunuan ng NDFP ng tigil ng NPA sa pag-atake nito laban sa mga tropa ng pamahalaan nitong Sabado ng 8:00 N.G., ngunit hindi natuloy dahil alas 5:00 N.H. ay binawi na ni Duterte ang kanyang utos na itigil ang  pag-atake sa NPA.
 
Sabi ni Dureza, tuloy ang diyalogo ng GRP at NDFP.
 
“We have scheduled it August 20 up to August 27. So we’re pushing through with this as originally scheduled,” saad ng opisyal.
 
“It will not in any way affect the peace talks because we know even when we agreed to resume the peace negotiations, we have tabled as an agenda item the discussion on the interim ceasefire,” paliwanag ng opisyal.
 
Ayon pa kay Dureza, walang utos si Duterte na itigil na rin ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa NDFP.
 
Bukas pa rin sa pakikipag-usap sa pamahalaan ang NDFP, tugon naman ni Sison.
 
Ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at komunistang grupo, sa pamamagitan ng NDPF, ay isang paraan upang matapos ang armadong pakikibaka ng CPP-NPA-NDFP sa pamamagitan ng maayos na paraan.
 
Nagsimula ito noon pang si Corazon Cojuangco Aquino ang Pangulo ng Pilipinas noong 1987.
 
Walang nangyari sa nasabing usapan.
 
 
Itinuloy sa panahon ni Fidel V. Ramos ang usapang pangkapayapan, ngunit wala ring nangyari, kaya nahinto ito.
 
Sinubukang magkausap muli sa termino ni Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit pumalpak din.
 
Nitong nakalipas na anim na taon ay walang diyalogong naganap sa pagitan ng GRP at NDFP, dahil nagsara ng pintuan si Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd sa NDFP.
 
Ang CPP ang nananatiling Maoistang grupo na naghahangad na pabagsakin ang pamahalaan sa pamamagitan ng marahas na paraan.
 
Nagsimula ang CPP noong Disyembre 1968
 
Marso 1969, itinatag nito ang NPA.
 
Noong 1974 naman naitayo ang NDFP.
 
Nahati ang CPP-NPA-NDFP noong 1991 hanggang 1993 bunga ng malalim na hidwaan ng mga lider ng CPP.
 
Hangad ng CPP-NPA-NDFP na magtayo ng pamahalaang kontrolado ng pamunuan ng CPP.

You May Also Like