Trump, Clinton, at ang bansang Pilipinas

Sa pagbungad ng bagong administrasyon, sino kina Trump at Clinton ang magpapatuloy ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at US?

Nagpalitan ng maaanghang na pahayag sina Democrat primaries nominee Hillary Clinton at presumptive Republican nominee Donald Trump ilang linggo bago ang pagtatapos ng primaries sa magkaparehong partidong maglalaban para sa halalan sa pagkapangulo ng Estados Unidos.

Sa kanyang talumpati sa San Diego, California patungkol sa foreign policy, binanatan ni Clinton si Trump kaugnay ng pabago-bago umano nitong mga plataporma, panukala, at mga pahayag.

“He’s not just unprepared — he’s temperamentally unfit to hold an office that requires knowledge, stability and immense responsibility,” ani Clinton, ilang araw bago ang primary sa California na  magdedesisyon sa karera nila ni kapwa Democrat primaries nominee Bernie Sanders.

Naiiba sa ngayon ang talumpati ni Clinton, na kilala sa diplomatiko at malumanay na pananalita sa mga isyung iniuugnay sa kanya.

Agad na sumagot si Trump sa kanyang talumpati sa isang rally sa San Jose, California, Huwebes ng gabi.

“I watched Hillary today and it was pathetic. It was so sad to watch,” ayon kay Trump.

Si Clinton, na asawa ni dating US President Bill Clinton ang nangunguna sa pinakahuling primaries ng Democrat party, ilang araw bago pormal na matapos ang pagpili ng mga Democrats at tumungo sa party convention. Si Trump naman ang natitirang nominee ng Republican party matapos ang pag-atras sa karera ng kalaban nitong si Ted Cruz.

Si Trump na isang negosyante, ay madalas na naihahalintulad kay President-elect Rodrigo Duterte dahil sa kanilang matabil na pagsasalita at sa kanilang mga pag atake sa kasalukuyang administrasyon ng kanilang mga bansa.

Ugnayan ng Estados Unidos at Pilipinas

Kilala si Trump sa kontrobersyal nitong tindig sa mga isyu partikular sa immigration at sa pagpasok ng mga banyaga sa Estados Unidos. Isa sa plataporma ni Trump ang paghihigpit sa border management, kasama na ang pagpapatayo ng mahabang bakod sa pagitan ng US at ng Mexico.

Libo mang milya ang layo, ang Pilipinas ay maaari ring maapektuhan ng mga polisiyang ito, lalong lalo na ang mga Pilipinong naninirahan sa US.

Kabilang din sa plataporma ni Trump ang pagrerebisa sa ugnayang pangkalakalan ng US at ng bansang Tsina, na naglalayong bawasan ang outsourcing ng mga pabrika sa nasabing bansa at paglilipat ng mga pagawaan mula Tsina pabalik sa US.

Ang relasyon ng Pilipinas at US ay masasabing isang ‘Special Relationship’ kung saan ang dalawang bansa ay patuloy na nagbibigay suporta at maayos na nakikitungo sa isa’t isa sa loob ng mahabang panahon. Ang bilateral relation ng dalawang bansang ito ay may lawak na sumasaklob sa iba’t ibang mga bagay mula sa military agreements (tulad ng EDCA and Balikatan exercises), kalakalan at pang ekonomiya, seguridad, at mga diplomatic missions.

Pag bungad sa Duterte Administration

Noong nakaraang linggo lamang, tinawag ni President-elect Rodrigo Duterte na “great president” si Chinese President Xi Jinping bilang tugon niya sa pagbati nito sa kanyang pagkapanalo noong nakaraang halalan. Maaga pa lang sa kampanya, nagpahayag na si Duterte ng paglalayong pasiglahin muli ang malamig nang ugnayan ng Pilipinas at ng bansang Tsina kasunod ng girian nito sa mga teritoryo sa South China Sea.

Nakatakda naman ang halalan para sa pagkapangulo ng Estados Unidos sa ika-walo ng Nobyembre. Ano pa man ang maging resulta ng halalan na ito ay tiyak na magkakaroon ng malaking epekto sa ugnayan ng Pilipinas at US at sa planong pang pulitika ng ating susunod na Pangulo. (Hector MJC Brizuela)

 

You May Also Like