Totoong datos at paliwanag

Biglang kumambiyo si incoming President Rodrigo Duterte sa kanyang naunang desisyon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Inilagay na ni Duterte si Salvador Panelo bilang presidential legal counsel, sa halip na tagapagsalita ng Pangulo. Ang kaibigan ni Duterte na si Ernesto “Ernie” Abella ang itinalaga niyang opisyal na tagapagsalita.

Hindi inilipat si Martin Andanar, kaya siya pa rin ang hepe ng PCOO.

Kahit minimal ang pag-aayos, mahalaga pa rin dahil malaki ang epekto sa pagkakatanggal kay Panelo.

Ayaw ng National Press Club (NPC) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kay Panelo, sapagkat nagging abogado ito ng ilang miyembro ng pamilya Ampatuan na kinasuhan ng multiple murder charges kaugnay sa pagkakapatay ng 58 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag.

Noong abogado si Panelo ng mga Ampatuan, walang patid niyang ipinagtatanggol ang kanyang kliyente.

Idiniin ni Panelo na “gawa-gawa” o “inimbento” lamang ang mga kaso laban sa mga Ampatuan.

Para sa mga mamamahayag, isang malaking hamon na ipawalangsala ni Panelo ang mga Ampatuan, gayong supisiyente ang mga ebidensiya laban sa kanila, ayon sa abogado ng mga biktima.

Ngayong tinanggalna ni Duterte si Panelo, ang susunod na trabaho nina Andanar at Abella ay tiyaking totoo ang mga ilalabas nitong datos at mga paliwanag sa publiko.

Napakahalaga na totoo ang datos at paliwanag na isasapubliko ng mga tagapagsalita ng administrasyong Duterte dahil pagpapakita ito ng pagpapahalaga at paggalang sa publiko. Hindi kailangang pamarisan ng darating na administrasyon ang mga naunang administrasyon upang masabi lang na mahusay ang paparating na administrasyon kumpara sa kasalukuyang administrasyon.

Hindi kailangang mag-imbento ng datos upang mapaganda lamang ang imahe ng pamahalaan.

Hindi  kailangang palabasing lumiliit ang bilang ng mga contractual worker, kung ang totoong sitwasyon ay patuloy ang paglobo nito.

Hindi kailangan bawasan ang bilang ng mahihirap na mga Pilipino kung ang totoo ay patuloy ang pag dami nito.

Ang totoong datos at paliwanag ang nararapat na manaig, sapagkat iyan ang gusto ng mamamayang Pilipino.

You May Also Like