Tinamaan Ka Ng Magaling

The Jumping WallMasarap sa pakiramdam ang pagiging tama at pagiging mas magaling. Bilang tao, natural sa atin na gustuhin ito. Maraming paraan at maraming pagkakataon naman na tayo ay napupunta sa ganitong sitwasyon. Bukod sa respeto, ang paghanga ng ibang tao ang nakapagbibigay atraksyon para gustuhin mo na lagi kang ganito — ang tama at magaling.

At sa iyong pagkahumaling, hindi ka pa nagkasya sa basta na lang ikaw ay magaling at tama. Kailangan pang ipagdiinan at ipamukha ito sa iba. At kailangan pang ibandera na ang ibang tao ay mali o mahina para lalo lang umangat, makita at mapansin na ikaw ay tama at mas magaling kaysa sa kanila. Sa pagtagal ng panahon, hindi na ang pagiging tama at magaling ang iyong hinahabol kung hindi ang pagtingin ng tao. Kaya kahit baluktot na ang paniniwala, kahit napatunayan nang may ibang mas dapat kang gawin at baguhin, pinanindigan mo na at niloloko mo na rin ang iyong sarili. Hanggang paniwalaan mo na ang sarili mong kasinungalingan. Mawawala na rin ang pagiging mapagpakumbaba na tumanggap ng pagpuna ng iyong kamalian at kahinaan.

Pero hindi pa naman huli ang lahat para ayusin ito. Subalit kailangan mong simulan mula sa ugat ng iyong paniniwala patungkol sa pagiging tama at magaling. Dahil ang tunay na magaling ay ang taong hindi na kailangan pang ipangalandakan ang pagiging magaling. Hindi sa iyo magsisimula ang mga salitang ito, at hindi mo rin dapat asahan na may magsasabi nito patungkol sayo. Kung mayroon mang magsabi, magpasalamat ka, subalit huwag mong ikalalaki ito ng ulo at lalong huwag maging dahilan para hindi ka na maghangad na maging mas magaling pa sa kung ano ang estado mo ngayon.

At ang tunay na tama ay hindi ang laging pagiging tama kung hindi ito ay ang pag-unawa na hindi lahat ng taong taliwas sa iyong paniniwala ay mali. At kung may alam ka mang tama ngayon, magpasalamat ka sa iyong nasumpungan. Pagkatapos ay bigyan mo pa ng mas malalim na pangunawa ang taong may patuloy pa ring maling gawi. Maaaring hindi pa lamang nila nakaharap ang mga pangyayari na naranasan mo noon na bumago sa iyo at sa iyong pananaw ngayon. At imbes na pagtulak pababa, ang pagtulong ang siyang mas positibo mong magagawa.
theignoredgenius.blogspot.com/rogie_ylagan@yahoo.com

You May Also Like