Time’s up nga ba para sa PPCRV?

vol 1 no 5

Sa tuwing darating ang eleksyon, maraming isyu ang naglalabasan tungkol sa kalidad ng magiging halalan. Kamakailan lumabas sa mga balita ang pagbawi ng supporta ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action o CBCP-NASSA sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).

Maraming kampong naniniwalang tinalikuran ng PPCRV ang nauna na nitong adhikain nang hindi nito kwestiyunin ang pagiging lehitimo ng nakaraang eleksyon kahit sa kabila ng nagsusulputang isyu tungkol sa naging kalidad at kawastuhan ng halalan. Mula sa kaduda-dudang bilang ng naitalang botante sa nakaraang halalan na lagpas 256 milyon kontra sa 50 milyon na rehistradong mga botante, hanggang sa nabinbing paggawa ng Random Manual Audit (RMA) ng eleksyon noong 2010 na dapat ginagawa sa loob ng 12 oras, ngunit naisakatuparan lamang isang buwan matapos ang eleksyon.

Hindi na rin siguro nakabibigla ang desisyon ng CBCP-NASSA. Dahil sa pagkakapasa ng RH bill noong isang taon, lumaki ang kampanya sa Simabahang Katolika upang magkaroon ng tinatawag na ‘Catholic vote’ o ang paraan ng pagpili sa mga kandidatong magtataguyod ng Katolikong prinsipyo — malayo sa inaakala ng marami na isang bloc vote.

Ayon sa website ng Catholic Vote Philippines, ang tatlong prinsipyong moral na dapat ikunsidera sa pagboto ay ang pagtatanggol ng buhay mula sa sinapupunan hanggang sa natural na kamatayan; kilalanin at itaguyod ang likas na depinisyon ng pamilya bilang pagsasama ng lalaki at babae; at karapatan ng mga magulang na hubugin ang kanilang mga anak. Marahil ang mga nasabing batayan ay maaaring bigyang-halaga ng taong bayan, hindi lamang ng mga Katoliko. Dahil nga naman kung walang pagpapahalaga sa buhay ang isang kandidato, hindi malayong maging makasarili at korap, mapang-abuso sa kalikasan at higit sa lahat, walang respeto sa pananampalataya.

Noong maiorganisa ang PPCRV, malaki ang pangangailangang magkaroon ng magbabantay para sa isang malinis na halalan. Ngunit dahil na rin sa napapanahong pagpili sa mga kandidatong may pagtingin sa tamang moralidad, napapanahon na rin siguro na tapusin na ang pagiging non-partisan at simulan na na maging partisan at pumili ng mga karapat-dapat na kandidato. Baka sakaling heto lamang ang kulang tungo sa tunay na pagbabago. Daang ‘di lamang tuwid kundi tama.

You May Also Like