Team Buhay at Team Patay, tama lang

vol 1 no 1

Pinatunayan ng diyosesis ng Bacolod ang banta nito na idadaan sa eleksyon ang pagpapatuloy ng laban sa kontrobersyal na Reproductive Health Law o R.A. 10354. Matatandaang lampas sampung taon na paulit-ulit sinubukang ipasa ang panukala at paulit-ulit din itong nababasura.

Nitong nakaraang Disyembre, sa direktiba mismo ng Palasyo matagumpay na naigapang at naipasa ang naturang panukala. Nakakabit dito ang pangakong dagdag pork barrel para sa papabor at kabawasan o kawalan naman ng PDAF para sa tutol dito.

Hindi na bago na tuwing may ipinapasang batas patungkol sa paggugol ng pondo, kasunod nito ang pagpataw ng buwis upang maisakatuparan lamang ang pagpopondo nito. Ang pagpasa sa Sin Tax law ay sinasabing magiging tulay upang mapondohan ang RH law na naglalayong gastusan ng higit sa labing tatlong bilyong piso ang pills at condom.

Bakit tama lang ang bansag na Team Buhay at Team Patay? Una, papatayin na naman tayong mga mamamayan sa karagdagang buwis na magpapamahal sa bilihin. Ikalawa, patay na naman ang mga Pilipinong nangangailangan ng libreng gamot na nagpapagaling at hindi nakapapatay gaya na lamang ng paracetamol at antibiotics. Ikatlo, patay pa rin sa kahirapan ang ating mga kababayan dahil pagkain, damit at bahay ang kanilang kailangan, ngunit pinili ng ating gobyerno na gastusin na lamang ang bilyon-bilyon sa pills at condom. Ikaapat, sa dami ng mga Katoliko sa ating bansa — na tinatayang nasa 80% ng kabuuang populasyon — kung matutuloy ang sinasabing ‘Catholic vote’ siguradong buhay ang maninindigan para sa turo ng Simbahang Katolika at patay ang mga pumili sa pildoras at kondom.

Sa ating pananaw, mga kababayan, napapanahon na rin na piliin natin ang mga kandidato na may takot sa Diyos. Ang ginawa ng diyosesis ng Bacolod ay isang pagpapaalala sa mga mananampalataya na matagal na ring nadadaya ng popularidad at pangako.

Siguro din naghahanda lamang ang Simbahang Katolika sa mga maaari pang itulak na panukala gaya ng aborsyon, diborsyo, euthanasia o ang legal na pagpatay sa mga may sakit at walang pakinabang o sa mga nakatatanda, at ang kasal para sa parehong kasarian. Hindi na kaila sa atin na ang mga nagtulak ng RH bill para maisabatas ay siya ring mga gumagalaw para maipasa ang mga nasabing panukala.

Ikaw ba, kabayan, pabor ka ba sa Team Buhay o sa Team Patay?

You May Also Like