Taong Simbahan, Bugaw at Tulak ng Shabu sa Bilibid

 

 

WALANG SACRED COWS: Ito ang ideneklara ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre 2nd sa kampanya ng Department of Justice (DOJ) laban sa talamak na droga sa New Bilibid Prison (NBP) at iba pang iligalidad na matagal nang nagaganap sa pambansang piitan. Kasama rin sa imbestigasyon ang pagiging bugaw ng prostitutes at tulak ng shabu ng ilang taong simbahan sa NBP at pagkakaroon ng buwanang payola ng dalawang dating matataas na opisyal ng DOJ. (Jay-Ar Ontonero)
WALANG SACRED COWS: Ito ang ideneklara ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre 2nd sa kampanya ng Department of Justice (DOJ) laban sa talamak na droga sa New Bilibid Prison (NBP) at iba pang iligalidad na matagal nang nagaganap sa pambansang piitan. Kasama rin sa imbestigasyon ang pagiging bugaw ng prostitutes at tulak ng shabu ng ilang taong simbahan sa NBP at pagkakaroon ng buwanang payola ng dalawang dating matataas na opisyal ng DOJ. (Jay-Ar Ontonero)

Ni: Bernard Badilla-Toledo

 
MALAKAS ang kanilang  pananalig sa Diyos, kaya sila nagtuturo at nagpapalaganap ng mga salita ng Diyos sa mga bilanggo sa pambansang piitan ng bansa, ngunit hindi nangangahulugang absolutong ligtas ang mga taong simbahan sa kasalanan at krimen.
 
Sisimulan ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa pagpapairal ng kamunduhan ng ilang taong simbahan sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
 
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre 2nd, nakatanggap ang DOJ ng impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang samahan at indibidwal na may ilang alagad ng Diyos ang nagsisilbing bugaw sa loob ng NBP.
 
Ang bugaw na ito ay nagpapasok ng babae upang ibenta ang laman ng mga ito sa kanilang parokyano sa halagang P4,000 – P5,000 bawat isa sa mga tauhan ng NBP.
 
Bukod sa pagbebenta ng laman at pagpapakana ng kamunduhan, tulak din umano ng shabu ang ilang taong simbahan sa loob ng NBP.
 
Ang iligal na droga at prostitusyon ay parehong pangunahing suliranin ng Pilipinas sa matagal na panahon hanggang ngayon.
 
“We have found some of the possibly religious personnel who were conducting some preaching inside the Bilibid have been used for bringing [in illegal] drugs as well as prostitutes inside the Bilibid,” saad ni Aguirre.
 
“Ang report sa akin, may kapilya daw [na] doon ang dausan… Apparently bonafide religious groups sila. Pero may kasama na mga four, or five women na napag-alaman nila na hindi kasama talaga. They are prostitutes,” aniya.
 
Inilinaw agad ni Aguirre na hindi kasama si NBP chaplain Monsignor Roberto Olaguer sa mga bugaw.
 
Bukod sa kababuyang ginagawa ng ilang taong simbahan, iimbestigahan din ng DOJ ang dating dalawang matataas na opisyal ng kagawaran dahil sa impormasyong tumatanggap sila ng buwanang payola mula sa mga nakakulong na drug kingpin.
 
Labingsiyam lahat ang nakakulong na drug lords sa NBP nang dahil sa kasong may kinalaman sa droga.
 
Matatandaang ilang araw na ang nakalilipas ay ibinunyag mismo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na sina Peter Co at Herbert Colangco ay dalawa sa tatlong pangunahing drug lord sa bansa ngayon.
 
Ang ikatlo ay ang negosyanteng si Peter Lim na ngayon ay masusing iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman kung totoo, o hindi ang kanya umanong pagiging drug lord.
 
Si Lim lang ang hindi nakakulong sa NBP.
    
Ani Aguirre, ang payola ay nagsisilbing proteksiyon sa drug kingpins upang hindi magalaw, o ‘masunog’ ang kanilang iligal na ginagawa sa loob ng piitan.
 
Hindi tinukoy ni Aguirre kung sinu-sino ang dalawang dating matataas na opisyal ng DOJ ang protektor ng mga drug kingpin.
 
Ang sabi lang ng kalihim, sila ay nanungkulan sa administrasyong Aquino.
 
Bukod sa mga taong simbahan at dalawang dating matataas na opisyal ng DOJ, pinaiimbestigahan din ni Aguirre ang pagluluto ng shabu sa loob ng NBP, pagpasok ng kung anu-anong kontrabando, malaking halaga ng pera, mga mamahaling kasangkapan, at iba pa.
 
Gusto ring malaman ni Aguirre kung bakit mayroong bawas na P10 ang P50 food allowance ng bawat bilanggo kada araw.
 
Sa pangongotong na ito araw-araw, kumikita ang sindikato ng mga opisyal ng NBP ng P240,000 bawat isang araw mula sa 24,000 bilanggo.
 
Ayon kay Aguirre, “Kontrolado na talaga ng drug lords ‘yung Bilibid eh for too long. Kasi hindi ginagalang ang guards doon… Hindi ginagalang kahit officials na matataas.”
 
Idiniin ni Aguirre na habang nagaganap ang malalimang imbestigasyon, tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng  Oplan Digmaang Droga (ODD) ng DOJ hanggang malinis ang NBP.
 
Walang “sacred cow” sa kampanyang ito, pagtitiyak ni Aguirre.

You May Also Like