Tanggal buwis sa mga manggagawa iniumang

Binay MandaluyongMANDALUYONG – Sa pagsisimula ng kampanya sa pagkapangulo, ipinangako ni bise-presidente at kandidato sa pangkapangulo Jejomar Binay ang pag-aalis sa buwis ng mga mangagawang kumikita lamang ng mula tatlumpung libong piso pababa.

Sa kanyang talumpati na ginanap sa Mandaluyong City na dinaluhan ng humigit kumulang tatlong libo katao nitong Martes, sinabi ng bise-presidente na kabilang ang pag-aalis ng buwis sa kanyang adhikain upang matupad ang ‘paghahangad ng makabuluhang pagbabago’ na inaasam ng mga Pilipino.

“Mga kababayan, mga kapwa Pilipino, sa gabing ito sa piling ninyong lahat, sa piling ng mga masang Pilipino. Nakikita ko, naririnig ko, at ramdam na ramdam ko ang pagkauhaw at paghahangad ninyo ng makabuluhang pagbabago. Aalisin ko bilang pangulo ng bansa, kayo pong nagseswelduhan aalisin ko ang income tax ng mga kababayan natin na kumikita ng tatlumpong libo at pababa,” ani Binay.

Sinabi ng pangalawang pangulo hingil sa paratang na imposible itong mangyari sa kadahilanang ikalulugi ito ng pamahalaan, kanyang pinuna ang pagkawala ng bilyong-bilyong piso mula sa pera ng bayan gaya na lamang ng ‘smuggling,’ di pagbabayad at wastong pangongolekta ng buwis, at maluhong paggastos ng mga departamento ng pamahalaan.

Paglalahad ni Binay, “Sa mga nagsasabing hindi ito pwedeng mangyari, dahil malulugi ang pamahalaan, simple lamang po ang sagot ko sa inyo. Bilyon-bilyong piso ang nawawala sa pera ng bayan sa smuggling. Bilyon-bilyong piso ang nawawala dahil sa hindi wastong pangongolekta ng buwis. Sa mga taong dapat magbayad ng tamang buwis bilyon-bilyon ang nasasayang na pera dahil sa hindi wastong pag gastos ng mga departamento ng pamahalaan. Iyan ang dapat asikasuhin at hindi ang pagpapatuloy at pagpapahirap sa mga swelduhang mangagagawang Pilipino.”

Binatikos naman ng pangunahing kandidato ng United Nationalist Alliance o UNA si Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa pananahimik, paninisi at pagkalito nito sa panahon ng krisis gaya na lamang ng nangyari sa Mamasapano at Yolanda pati na ang kawalan nito ng tamang pamumuno.

Ani Binay, “Kailangan natin ng isang pangulo na hindi umiiwas, hindi nananahimik, hindi nagtatago katulad nung mangyari ang Mamasapano. Hindi naninisi at hindi nalilito sa panahon ng krisis. Uulitin ko ang kailangan natin ay isang pangulo na tunay na kumakalinga sa mahihirap. Ang ganyang uri ng pagkapangulo ay hindi napapag-aralan, hindi yan nakukuha sa mga aklat na binabasa. Yan ay isang pamumuno na nahuhugot mula sa karanasan at nakaukit sa puso.”
Inilahad din ng pangalawang pangulo ang pagpapatupad ng pagbibigay sa dalawampung milyong estudyante sa mga paaralang pangpubliko ng libreng uniporme, libro at iba pang gamit sa pag-aaral. Bukod dito kabilang din ang pagpapalawig ng Conditional Cash Transfer (CCT) Program particular na ang pagbilang sa mga senior citizens mula edad 60 hanggang 64 pati rin ang pamamahagi ng libreng gamut para sa mahihirap na nauna na nitong naipatupad sa lungsod ng Makati. (Pablo San Miguel)

You May Also Like