Tama si pangulong Duterte, hindi sinisi si Aquino

 

 

 
ISA sa mga tampok na punto ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) ay hindi niya sinisi si dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd kahit lantad na lantad ang sandamukal na suliranin ng bansa sa kasalukuyan.
 
Idiniin pa ni Duterte sa pambungad ng kanyang talumpati ang kanyang punto kung bakit hindi tamang sisihin pa ang pinalitan niyang Pangulo.
 
Aniya, hindi susulong ang bansa kung sisihin lamang niya ang pinalitan niyang Pangulo.
 
Napakagandang asal, o karakter na dapat makita sa isang pinuno, hindi lamang sa pinuno ng bansa kundi kahit sa isang samahan sa pamayanan.
 
Sa halip inilatag ni Duterte ang mga pinaniniwalaan niyang mga solusyon sa napakaraming problema.
 
Halimbawa, sa napakatagal na pag-iisyu ng mga hinihinging dokumento ng publiko sa pamahalaan na umaabot ng napakahabang panahon na kadalasan nga ay higit isang taon bago makuha ang nasabing dokumento, nagbigay agad si Duterte ng esaktong gagawin upang sa loob ng tatlong araw ay maibigay sa publiko ang dokumento.
 
Idiniin ng Pangulo na tatlong araw—ipinakita pa niya ang kanyang tatlong daliri na nagdidiing tatlong araw lang ang pag-iisyu ng mga dokumento.
 
Ang punto rito ni Duterte ay kayang gawin sa mabilis na panahon ang hinihingi ng publiko sa pamahalaan dahil mayroong computer.
 
Hindi kailangang pumila ng mahaba, hindi kaailangang pabalik-balikin ang publiko.
 
Huwag nating kalimutan na ang computer ay makinang ipinanganak sa panahon ng modernong kapitalismo na ang layunin ng computer ay pabilisin ang transaksiyon.
 
Napakaraming inilatag ni Duterte na solusyon sa naparaming suliranin ng Pilipinas, kabilang na ang trapik sa Metro Manila, ngunit kahit isang beses ay hindi narinig sa Pangulo ang pangalan ng pinalitan niyang Pangulo.
 
Pati nga, hindi pagdalo ni Aquino ay hindi na pinansin ni Duterte.
 
Pero, hindi maipagkakailang idinidiin ni Duterte na lagpak na lagpak ang anim na taong pamumuno ni Aquino, sapagkat sobrang dami ng mga problema.
 
Sa unang SONA ni Aquino, kung matatandaan natin, walang tigil na sinisi si dating Pangulong Gloria Macapagal Aquino.
 
Pagkatapos niyan, hindi nakuntento si Aquino, pinakusahan pa niya si Arroyo sa Office of the Ombudsman na mabilis namang umakyat ang kaso sa Sandiganbayan.
 
Ang resulta, nabilanggo si Arroyo sa ospital ng higit na apat na taon pagkatapos lilitaw na mahina pala ang ebidensiyang inihanda ng Office off the Ombudsman laban sa kanya.
 
Sa lahat ng nagawa ni Aquino, itong kaso ni Arroyo at ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona mabilis ang aksiyon.
 
At habang nakakulong at may sakit pa, wala pa ring tigil si Aquino sa paninisi kay Arroyo sa mga talumpati nito.
 
Ang totoo pa nga, hanggang huling sandali ng kanyang termino ay ‘dinagukan’ pa rin ni Aquino si Arroyo dahil itong babaeng ito ang tingin niyang may kasalanan kung bakit hanggang sa huli ay palpak ang kanyang termino.
 
Sa mga solusyong binanggit ni Duterte, ang gusto niya ay matupad lahat ayon sa itinakdang tudla, sapagkat kumbinsido siyang kayang matapos ang mga problema kung gagawin lamang ang tamang mga hakbang.

You May Also Like