Talamak din naman ang Korapsyon at Pandarambong sa Pilipinas

 

HINDI makikipagtalo ang Tapatnews.com kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa labis na pagiging talamak ng iligal na droga sa bansa.

Kung tama ang datos na nakarating sa amin, mahigit 90 porsyentong bahagi ng bansa ay kinikilusan ng mga sindikato ng droga, kaya ganito kalawak ang pinag-iikutan ng mga adik.

Sa Metro Manila na nga lamang, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mahigit 93% ng mga barangay ang nalublob sa iligal na droga.

Kaya, hindi namin masisisi si Pangulong Duterte kung bakit malaki ang galit nito sa bawal na gamot.

Sa tindi ng galit niya, pamamaslang sa mga sangkot sa iligal na droga ang napili niyang solusyon, sapagkat kumbinsido ang Pangulo na ang pagpatay sa mga sangkot ang siyang mabilis na paraan upang matapos ito.

Ubod kasi ng bagal kung padaraanin pa sa korte.

Nunit, alam na alam ng Pangulo na hindi ang pagpatay sa mga drug lord at drug dealer ang ultimong solusyon sa nabanggit na suliranin, sapagkat kahit sa Davao City kung saan mahigit 20 taon siya naging alkalde ay hindi natuldukan ang pag-iral ng iligal na droga hanggang ngayong siya na ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Hindi man lubusang sinasang-ayunan, o kinakampihan ng Tapatnews.com si Duterte, sa paraan ng kanyang brusko at bara-barang pagresolba sa problema ng iligal na droga, kapansin-pansin ang pagiging determinado ni Duterte na sugpuin ang nasabing suliranin, sapagkat ayon nga sa kanya, hindi niya gustong pagdating ng araw ay maitransporma ang pamahalaan ng Pilipinas bilang isang “narco-state” kaparis ng Mexico ilang dekada na ang nakalilipas.

Ang determinasyong makikita kay Duterte laban sa iligal na droga ay magandang gawin din niya sa korapsyon at pandarambong sa pera ng pamahalaan na galing sa buwis ng ordinaryong mamamayan at mga negosyante.

Ang korap at mandarambong sa pamahalaan ay marami.

Kahit na alam nilang brusko at mabagsik si Duterte, lumilitaw na hindi kayang magpapatay ng magnanakaw sa pamahalaan si Duterte.

Hindi rin nito kayang idaan sa extrajudicial killings (EJKs) ang mga kawatan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ang totoo pa nga, hindi kaya ni Duterte na sibakin sila sa kani-kanilang puwesto, kahit mayroong ligal na dokumentong nagpapatunay na nakagawa sila ng krimen sa publiko habang nakapuwesto sa pamahalaan.

Ihalimbawa natin, si Dr. Neri Acosta na hanggang ngayon ay siyang general manager ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) kahit na hinatulan na siya ng Sandiganbayan ng pagkabilanggo ng ilang taon at habangbuhay na pagbabawal, o diskwalipikasyon, na mabigyan ng posisyon sa anumang organo ng pamahalaan.

Ayon sa Sandiganbayan, si Acosta na isang kilalang kasapi ng Liberal Party (LP) na itinalaga ng nooy Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III bilang general manager ng LLDA, ay nakagawa ng krimeng korapsyon kaugnay sa maling paglalagay ng milyun-milyong halaga ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa isang non-governmental organization (NGO) sa Bukidnon kung saan isa sa mga opisyal, o namamahala, ay walang iba kundi ang kanyang ina.

Naganap ang krimen, ayon sa desisyon ng Sandiganbayan, noong miyembro ng Kamara del Representantes si Acosta.

Inapila ni Acosta ang kaso sa korte.

Ngunit, inaabangan ni Acosta na aprubahan ni Duterte ang kanyang aplikasyon na manatiling hepe ng LLDA.

Malakas ang loob ni Acosta, sa halip na matakot at umatras dahil brusko at mabagsik na pinuno si Duterte.

Saan kayang pader nakasandal si Acosta?

Sino, o sinu-sino, kaya ang kanyang  kumpare at kumare sa Malakanyang?

Maging ang ilang kasapi ng Kongreso ay labis-labis na malalakas ang mga loob na manatili sa kanilang pagiging mambabatas kahit na may mga asunto ng pagnanakaw, o pandarambong, ang mga ito sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.

Sa tingin namin, ito ay dahil hindi sila binibira halos araw-araw ni Duterte.

Hindi sila hinuhusgahan at ipinapahiya ni Duterte sa taumbayan kahit na mayroon silang mga kasong kriminal na dapat patunayang hindi totoo.

Hindi katulad ni Senadora Leila de Lima na noon ay wala pang naihahaing kasong kriminal laban sa kanya, ngunit todo-todo at kaliwa’t kanang pambabatikos at akusasyon ang inabot niya mula kay Pangulong Duterte at ibang opisyal ng pamahalaan.

Ultimong ang kanya umanong pakikipagtalik sa kanyang driver na naging nobyo niya sa loob ng  pitong-taon na nakunan pa umano sa video ay pinagpiyestahan ng mga mamimili ang CD tape at kanila itong pinanood.

Ang totoo pa nga, muntik na itong panoorin sa Senado at Kamara del Representantes.

Kung naging mabagsik din sana si Pangulong Duterte simula noong Hulyo 1 laban sa korapsyon at pandarambong, kaparis ng gyerang inilunsad laban sa iligal na droga at kay De Lima, marahil dumudugo nang todo ang burukrasya, dahil sobrang marami ang mga magnanakaw at mandarambong tulad ng mga drug lord, drug dealer, mga adik, at kanilang mga protektor.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like