Takot, naghahari sa mga Pinoy sa Malaysia

banner1

SABAH, MALAYSIA — Nagpahayag ng pangamba ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga balitang dahil sa brutal na pagtrato sa mga Pilipino, takot ngayon ang naghahari sa Lahad Datu at iba pang lugar sa Sabah. Isiniwalat ng mga Pinoy na dumating sa Sulu at Tawi-tawi mula sa Sabah ang tungkol sa pang-aabuso sa mga inosenteng Pilipino sa Malaysia.

Ayon sa ulat ng isang pahayagan, nagsasagawa ang mga Malaysian police ng malawakang paghahanap sa mga taga-suporta ng grupo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III at walang habas diumano ang paninipa, panununtok at pamamalo na nagdudulot ng matinding takot sa mga Pinoy sa Sabah.

Dagdag pa ng ulat, inuutusan daw ng mga miyembro ng Malaysian police ang mga Pilipinong tumakbo ng mabilis at walang habas namang pinapuputukan ng baril ang mga ito.

Pinasinungalingan naman ng Sabah police ang mga balitang binubugbog at binabaril ng Malaysian security forces ang mga sibilyan, bilang pagsupil sa mga tagasunod ni Sultan Kiram.

Mula pa noong Biyernes, may tinatayang 750 na evacuees ang dumating sa Sulu mula sa Sabah. Inaasahan naman na may isang libo pang maaaring dumating sa mga susunod na araw.

Nakikipag-ugnayan na ang DFA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maidokumento ang mga nasabing ulat para sa kaukulang pag-aksyon hinggil dito.

Samantala, sinabi naman ni Simunul mayor Nazif Ahmad Abdurahman ng Tawi-Tawi na maaring mag-deklara anumang oras ang naturang bayan ng state of calamity. Ito ay dahil na rin sa walang humpay na pagdagsa ng mga Pilipinong tumatakas mula sa Malaysia.

Ani Abdurahman, kakailanganin ang nasabing deklarasyon upang makakuha ng pondo para sa pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng mga evacuees.

Dagdag pa nito, kinakailangan din na magsimula ng mga livelihood programs para sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho dulot ng labanan sa Sabah.

You May Also Like