Takbo para kay Dexter

yenSumali ako sa Color Manila Nite Run na ginanap sa Bonifacio Global City noong Pebrero 23. Gusto ko lang sanang mag-unwind, pampaalis stress, maglibang… Pero hindi ko akalain na ang takbo kong iyon ay iaalay ko pala sa isang kaibigan.
Mga around 10:00am nung Sabado ring iyon, nag-text ang kaibigan kong si Benay: ‘Lider  ng Boracay Ati Tribal Organization, Pinatay.’

Ang tinutukoy niya ay si Dexter Contez, 26 taong gulang at isang aktibong lider ng mga ‘Boracay Ati’ o ng mga katutubong naninirahan sa Boracay.

Si Dexter ay binaril ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan habang patungo sa kanilang lupaing ninuno sa Brgy. Manoc-Manoc, Boracay Island noong Pebrero 22.

Base sa ulat, si Dexter ay galing sa isang pulong ng mga religious organization na masikhay na sumusuporta sa mga Boracay Ati, at ng siya ay pauwi na doon nangyari ang malagim na trahedya. Nagtamo si Dexter ng 6 na bala sa katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nakakalungkot isipin na ang isang  katulad ni Dexter na masugid na nangangampanya upang mapasakanila ang lupaing ninuno na matagal na nilang pinaglalaban, ay walang awang pinatay.

Si Dexter ay pinatay dahil isa siya sa mga lumaban sa mga may kapangyarihan sa lokal upang huwag i-commercialize ang lupaing tinitirhan ng mga katulad niyang katutubo.

Si Dexter na aking kaibigan na nakitaan ko ng kasikhayang kumilos para ipaglaban ang kanilang karapatan ay walang awang pinatay ng mga ganid at gahaman sa pera at kapangyarihan.

Bago ang krimen, marami nang insidente ng harassment kina Dexter, tulad ng dati, nire-report naman nila ito pero walang nangyayari sa kaso. May isang gabi pa nga na may pumaradang mga naka-van sa mismong tinitirhan ng mga katutubo sa Brgy. Manoc-manoc, may dalang mga baril na mahahaba at sinabihan silang umalis na roon. Ang malupit niyan, nagpakilala ang mga lalaking iyon na mga local government officials na inutusan diumano ng isang pribadong kumpanya na gustong kamkamin ang lupa. San ka pa!

Nakasama ko si Dexter nang mag-cover ako ng ‘2012 Padyak para sa Katutubo at Kalikasan’ sa Boracay. Doon ko rin unang narinig ang mga hinaing ng mga ninuno natin.

Sino ba naman ang makakalimot kay Dexter—isang Ati lider na umiiyak at nagmamakaawa na ibigay na ang lupang para naman sa kanila habang misa noong 2012 Indigenous Peoples Sunday.

Sa totoo nga niyan ang larawan at video ni Dexter ay hindi ko pa  inaalis sa aking tablet, dahil tumimo sa aking isipan ang kanyang mga tinuran… pero hindi ko rin akalain na may paggagamitan ako nito sa ibang paraan. Naiwanan ko pa nga rin ang paborito kong jacket sa kanila.

Maraming kwento si Dexter sa akin tungkol sa pagsikil ng karapatang pang-tao ng mga katutubo. Ang kwento ni Dexter ay hindi na bago, maraming insidente ng pagpatay sa mga lider ng manggagawa, magsasaka at katutubo. Kalimitan sa mga ito ay sa kanayunan.

Nasaan na nga ba ang hustisya? Mali pala ang tanong ko, dapat ay… meron pa bang hustisya? Ilang lugar pa ba sa Pilipinas ang tila paraiso pero may mga mababangis na hayop na nagkukubli…

Kasabay ng pagtipa ng aking mga kamay ay ang hindi mapigilang pagluha, para sa isang taong nakasama ko sa sandaling panahon pero nag-iwan ng matinding marka ang mga salita at kilos na ipinakita niya.

Ang opening sargo ng column na ito ay alay ko sa iyo, Dexter. Ang iyong pagkawala ay hindi katapusan ng iyong mga naumpisahan, bagkus ito ay isang simula para mas lalong paigtingin ang iyong ipinaglaban.

Isusulat ko rito ang mga buhay at karanasan ng mga taong aking nakilala. Mga karanasang nagpa-antig sa aking puso at tumatak sa aking isipan. Hayaan niyo akong ibahagi ito sa inyo sa isang paraan ng pagpaparangal at upang kapulutan rin ng gintong aral….. tulad ng buhay ni Dexter.

Maligayang paglalakbay, kaibigan, hanggang sa muli nating pagkikita. (re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like