TAG-ARAW: Panahon ng sakit?

Tuwing sumasapit ang summer o tag-araw, kabilaan ang mga outing ng mga pamilya lalo na sa mga beach o swimming pool upang malabanan ang tindi ng init ng araw. At dahil walang pasok, karamihan sa mga bata ay nasa labas ng bahay at naglalaro maghapon.

Ngunit ang dalang tuwa at saya ng tag-araw ay maaari ring magdulot ng sakit. Kabilang sa mga sakit na popular tuwing tag-araw ay sun burn, heatstroke, sore eyes, at stomach flu o food poisoning. Ang mga sakit na ito ay walang pinipili at lahat tayo ay pwede maging biktima nito.
Narito ang ilan sa mga paraan upang maiwasan ang sakit ngayong summer:

1.) Uminom ng 8-12 baso ng tubig araw-araw

Paulit-ulit man itong ipaalala sa lahat, napaka halagang uminom ng sapat na tubig tuwing tag-araw. At dahil mas mainit, mas malaki ang posibilidad na makaranas ng dehydration. Kahit nasa loob ka lamang ng bahay, mahalaga pa rin dagdagan ang pag-inom ng tubig. Kung ikaw ay nagtatrabaho sa initan o nasa labas, subukang magdala ng bote ng tubig lagi at alalahanin na uminom bawat oras.

2.) Gumamit ng sunscreen (o iwasan ang paglabas)

Tuwing tag-araw, napakaraming tao ang pumupunta sa beach o swimming pool para mag-outing. Huwag kalimutan na maglagay ng sunscreen sa katawan at mukha bago lumabas para maiwasan ang sunburn. Kung maaari ay iwasan lumabas ng bahay tuwing mataas ang tirik ng araw (10:00 AM – 2:00 PM). Kung kailangang lumabas, mag-sunscreen at magdala rin ng payong upang maiwasan ang sakit ng araw sa balat.

3.) Maging maingat sa mga pagkain

Uso at mabenta ang mga street food tuwing tag-araw tulad ng fishball, quek-quek, kikiam, at sari-saring mga inumin. Kahit ang masarap ang mga ito, mabuting iwasan na lamang ito lalo na kung hindi ka nakasisigurado kung kailan at saan niluto ang mga ito. Mas madali ang pagkapanis ng mga pagkain tuwing tag-araw dahil sa mainit na panahon. Ang paalala na ito ay hindi lamang para sa mga street food at kainan sa labas, ngunit pati sa mga hinahandang pagkain para samga outing.

4.) Laging mag-hugas ng kamay

Ang ating mga kamay ay maraming nahahawakan araw-araw. Hindi natin alam kung gaano kalinis ang mga ito, at kapag nakusot natin ang ating kamay o nailapit ito sa ating mukha o bibig nagdudulot ito ng sakit. Maghugas ng kamay bago kumain at iwasan ilapit ang kamay sa mata o bibig kung maaari. Ang sore eyes ay usung-uso sa mga bata kaya mahalagang turuan sila ng wastong paghugas ng kamay. Maaari ring magbaon ng hand sanitizer or alcohol na pwedeng panlinis ng kamay kung walang tubig at sabon na malapit.

Para sa maraming pamilya, ang summer ay panahon upang magsama-sama at mag-bonding. I-maximize ang mga panahon na makasasama ang iyong pamilya sa pag-iwas sa sakit. Madaling iwasan ang mga sakit tuwing tag-araw kung papanatilihin ang mabuting hygiene, at pagkain ng tama. Tandaan na pag-iningatan mo ang iyong sarili, iniingatan mo rin ang kalusugan ng mga tao sa iyong paligid. (Hedda Damasco)

You May Also Like