Susunod na Santo Papa, huwag pagpustahan – obispo

vatican

Nananawagan ang mga opisyal ng Simbahang Katolika sa mga Pilipino, hindi lamang sa bansa, kung hindi pati sa ibayong dagat na huwag pagpustahan kung sino ang susunod na magiging Santo Papa.

Ayon kay Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, ang conclave o ang proseso ng pagpili ng bagong hihiranging Santo Papa ay isang banal na seremonya at hindi tamang pagpustahan tulad ng mga lumalabas na ulat na may mga online betting sites na nagsasagawa ng pustahan ukol rito.

Iginiit naman ni Malolos Bishop Jose Oliveros na ang naturang paghalal sa bagong Santo Papa ay kinasasangkutan ng Espiritu Santo at hindi dapat haluan ng “human frivolity” (kawalan ng kahulugan), habang hinimok naman ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo ang publiko na ipagdasal na lamang ang mga kardinal na sasabak sa conclave sa halip na magsagawa ng online betting.

Magugunita namang Pebrero 28 nang tuluyang bumaba sa pwesto si Pope Emeritus Benedict XVI.

You May Also Like