Susmariosep!

Ito ang sagot ni Rodrigo Duterte kay Mar Roxas nang ipagyabang niya ang mga ginawa ng administrasyong Aquino: Susmariosep! Sa tatlong presidential debates, paliging isinusulong ni Roxas ang mga “achievements” ng “Matuwid na Daan”. Tanong pa ni Duterte, “Bakit kulelat ka sa survey?”

Pagbabago ang sigaw ng taong bayan at hindi ang ipagpatuloy ang “Matuwid na Daan” na, sa totoo lang, wala naman napala ang mga tao. Pagod na ang taong bayan sa mga kasinungalingan at kayabangan. Nagngingit sa galit ang mga biktima ng Yolanda noong sinabi ni Roxas na malaki ang naitulong niya sa kanila na maaring maituring siya na ang hero ng Yolanda.

Ayon sa mga pahayag ng Palasyo tumaas daw ang ekonomya ng Pilipinas. Pero paano nangyari ‘yon na hindi naman maramdaman ng taong bayan? Seryosong tanong ng Ibon Foundation na isang independent observer: paano nagkaroon ng pagtaas sa ekonomiya sa gitna ng kakulangan ng trabaho? “Jobless growth,” ang tawag dito ng mga ekonomista.

Kaya naman pala pinagkakagulohan si Duterte sa social media at nasa bandang unahan siya sa mga social survey. Isinusulong niya kasi ang pagbabago. Tahasan niyang sinasabi na sa loob lamang ng anim na buwan susugpuin n’ya ang krimen at ang paglaganap ng droga sa buong Pilipinas. Inihahalintulad niya ang ‘paglilinis’ ng Pilipinas sa ginawa niya sa Davao na anya nilinis n’ya sa krimen at droga.

Sakaling mahalal si Duterte na presidente ng Pilipinas at hindi niya magawa ito, siya daw ay kusang bababa sa pwesto. Nakasisiguro daw siya dahil gagamitin niya ang kamay na bakal para sugpuin ang kasamaan. Kaya dapat daw ang mahahalal na pangulo ay marunong pumatay at handang mamatay. Sa isang salita, ipapapatay ni Duterte ang mga masasamang tao tulad nang ginagawa ng tinuringan Davao Death Squad (DDS).

Pero teka muna, kaya ba talaga sugpuin ang kasamaan sa loob ng anim na buwan? Ayon sa statistics ng PNP, pang-apat ang Davao City na may pinakamaraming krimen. At hanggang ngayon laganap din daw ang droga sa Davao. Hindi ba kelan lang may na-kidnap na mga Canadians na nasa isang resort sa Davao? Hanggang ngayon hindi pa nareresolba ito. At hindi ba ilegal at isang rin krimen ang pagpatay ng pinaghihinalaang kriminal?

Baka naman isa ring masigabong “Susmariosep!” ang dapat itugon kay Duterte. Hindi na bago sa atin na kada na lamang eleksyon sari-saring pagpapakitang gilas ang pinamamalas ng bawat kandidato. Panahon na siguro na magising tayo at matutunan natin na ang ating boto ay makapangyarihan at hindi ang iisang pulitiko lamang ang siyang makapagpapabago sa takbo ng bansa.

Vote wisely!

You May Also Like