Surge-Pricing Scheme sa pamasahe sa jeep ipinababasura sa LTFRB

 

 

Ni: Paula Antolin
 
“KONTRA-JEEPNEY drivers at small-time operators ang surge-pricing scheme ng Kapit/1 Utak.”
 
Ganito eksaktong isinalarawan ni George San Mateo, pambansang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), ang kahilingan ng Kilusan Para sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon (KAPIT) at 1 Utak na pinamumunuan ni Atty. Vigor Mendoza sa Land Transportation and Franchising Board (LTFRB).
 
Si Mendoza ay naging abogado ng Hacienda Luisita laban sa mga magsasakang naghahangad na magkaroon ng lupa mula sa naturang asyenda na napakahabang panahon na nilang pinagsasakahan.
 
Ang estilong surge-pricing sa pamasahe ay nakahalaw sa konseptong demand at supply na ina-apply sa ekonomiya kung saan ang presyo ay tumataas kung malaki ang demand.
 
Sa kongkreto, ang gustong mangyari ng grupo ni Mendoza ay dagdagan ng P1.00 ang pamasahe tuwing rush hour: 4:00 A.M. – 8:00 A.M. at 4:00 P.M. – 8:00 P.M.
 
Magiging P8.00 ang kasalukuyang minimum na P7.00 pamasahe at magiging P7.00 uli kung hindi rush hour.
 
Hinalaw ni Mendoza ang konsepto sa Uber at Grab taxi kung saan mas mataas ang pamasahe batay sa dami ng mga mananakay na nangangailangan ng pasahero.
 
Ayon kay San Mateo, “semi-deregulation” ang panukala nina Mendoza.
 
Idiniin ni San Mateo na hindi pabor sa mga small-time jeepney operator at mga tsuper ang surge-pricing.
 
Kaya, dapat lamang itong ibasura ng LTFRB, ratsada ni San Mateo.
 
Sabi ng hepe ng PISTON, ang tunay na pakay ng surge-pricing ni Kapit/1 Utak ay, una tuluyan nang ipatanggal ang mga lumang jeep at ipasok ang mga bago na electric jeep at EU 4.
 
Pangalawa, ang surge-pricing scheme ay upang itulak ang corporatization ng mga jeep upang imonopolisa ng iilan ng kakaunting malalaking kumpanya sa negosyo ng jeep, sabi ni San Mateo.
 
Idiniin pa ni San Mateo na “mapanlinlang itong surge pricing petition ng Kapit/1Utak group ni Atty. Mendoza.”
 
“Kunwari nais tulungan ang mga small operator and drivers ng jeepney, pero sa totoo lang pagtutulak ‘yan ng jeepney phase out and corporatization ng jeepneys na magreresulta sa pagkawasak ng kabuhayan ng small operators at drivers habang magreresulta ito sa pagtaas ng pasahe ng mga so-called brand new jeepneys na electric at euro 4 na papatakbuhin at imomonopolisa ng mga few big fleet management corporations,” paliwanag ni San Mateo.
 
“Hindi interes ng mga drayber, operators at mananakay ang sinusulong ni Atty Mendoza at ng kanyang grupo. Ang tunay niyang sinusulong ay ang pansariling interes sa pakikipagsabwatan sa mga foreign manufacturers ng e-jeep/euro 4 kasama na ang mga ahente nila sa gobyerno at ang interes ng mga bankong magpapautang at ang interes ng malalaking fleet management corporations na magmomonopolisa sa operasyon ng mga jeepneys,” tugon niya.
 
Ani San Mateo, nararapat lang na ibasura ng LTFRB ang surge-pricing scheme, sapagkat hindi ito maglilingko sa interes at kapakanan ng mga tsuper ng jeep at maliliit na jeepney operators.

You May Also Like