Supply ng kuryente sa Mindanao, sapat para sa darating na eleksyon

Malaki pa rin ang posibilidad na marami pang pag-atake sa mga transmission towers ang magaganap sa Mindanao ilang araw bago ang eleksyon sa ika-9 ng Mayo, pero nangako ang Department of Energy (DOE) na nakaantabay sila sa mga inaasahang banta at patuloy na sinisigurong hindi mawawalan ng kuryente sa araw ng halalan.

Dalawang transmission towers ang pinasabog sa loob ng nakaraang dalawang linggo at higit dalawampung insidente ng pambobomba sa mga transmission towers na ito sa Mindanao ang naitala simula pa noong taong 2015 at ang pagkasira ng mga pasilidad na ito ay nagdulot ng kaliwa’t kanang mga blackout sa gawing timog ng rehiyon.

Bumuo na ang DOE ng Power Task Force Election 2016 upang magbantay sa ganitong klase ng mga pag-atake.

Katuwang ang kapulisan at ang militar, pinagtitibay na ng grupo ang seguridad ng mga energy facilities na nasa mga lugar na itinuturing na “danger areas” kagaya ng Cotabato at Lanao.
Sakaling may maganap na pag-atake sa araw mismo ng halalan, nangako ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na marami silang mga tauhan na nakaantabay upang ayusin ang mga masisirang pasilidad at mapanumbalik ang supply ng kuryente.

Nanawagan naman sa publiko ang tagapagsalita ng NGCP na si Cynthia Alabanza na maging alisto at tumulong sa pagsisigurong magiging ligtas ang darating na botohan lalo pa’t nalalapit na ang eleksyon.

Gayunpaman, tiniyak ng DOE na hindi na kakailanganin pa ng emergency powers ni Pangulong Benigno Aquino III upang siguraduhing hindi mawawalan ng kuryente sa ika-9 ng Mayo dahil wala namang power crisis at marami naman grupong nakikipagtulungan upang hindi umabot sa ganoong sitwasyon. (Carizza Ibañez)

You May Also Like