Style PNoy

vol 2 no 3

‘UNDER promises, yet over delivers’. Ito ang pagsasalarawan ni Pangulong Benigno Aquino sa kanyang administrasyon sa isang pagpupulong ng mga investor kamakailan. Saan banda, Mr. President? Hindi lamang tapat sa mga pangako,ngunit labis pa rito o ‘exceeding expectations’ — ito ang isang pahayag na mapapakamot ulo ka.

Ang tinutukoy ba ni PNoy ay ang disaster preparedness tulad ng nangyari sa Samar at Leyte? O baka naman ang ubod na bilis na pag-ikot ng gulong ng hustisya at pananagutan sa kaso ni Janet Lim – Napoles at ng pork barrel scam? Isama pa rito ang sinasabing hindi umano natanggap ng pamahalaan ang sulat ni Maria Teresa Martinez, ang ina ni Michael Christian Martinez, ang 17-taong gulang na Pinoy skater na sumabak sa 2014 Winter Olympics sa Sochi, Russia kamakailan. Sa sulat, humingi ng suporta si Mrs. Martinez para sa anak na kumatawan sa bansa sa nasabing kompetisyon. Ayon naman kay Presidential Communications Operations Office Sec. Herminio Coloma Jr., marahil ay napunta sa ‘spam’ ang nasabing liham.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na mayroong nawalang liham na sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay hindi natanggap o naglaho mula sa kamay ng administrasyong Aquino. Matatandaang ‘nawala’ din diumano ang liham na ipinadala ni Sultan Jamalul Kiram III kay pangulong Pnoy tungkol sa isyu ng Sabah. Ang opisyal na pahayag ay nawala ito sa ‘bureaucratic maze’, kung saan mang lugar iyon, mukhang hindi na matatanto pa ng mga Pinoy. Inako naman ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang pagkawala ng dokumento na ipinadala pa noong 2010, ngunit nananatili pa rin ang agam-agam na hindi kaya’y ang ganitong mga pangyayari ay hindi lamang nagkataon, kung hindi isang sintomang hindi na maitago pa ng administrasyong Aquino: ang kawalang-pagpapahalaga sa kalagayan ng mga mamamayang Pilipino.
Kung hindi man isyu ng disaster preparedness ang pag-uusapan, paano naman ang simpleng pag-responde sa pangangailangan ng mga taongbayan? Ayon sa isang news report ng Philippine Star, may nadiskubreng nabubulok na bigas sa Subic na nagkakahalagang P58 milyon na nakalaan para sa mga biktima ng ‘Yolanda’. Nakatakda namang ipatawag sa isang committee hearing si Social Welfare Secretary Corazon Soliman upang magpaliwanag kung bakit hindi naipamahagi ang bigas sa mga libo-libong mamamayang nangangailangan nito. Tinatayang may 45,000 sakong bigas ang hinayaang mabulok sa isang bodega sa Subic. Ito ba ang sobra-sobrang pagtugon ng pamahalaan sa kalagayan at kondisyon ng mga taga-Leyte at Samar?

Sa kaso naman ni Napoles,mukhang gagamitin ang argumentum ad misericordiam upang maisahan na naman ang sambayanang Pilipino. Marahil nga isang karapatang pantao ang mabigyan ng kaukulang atensyong medikal ang sinoman, ngunit talagang isang tandang pananong ang lumilitaw: Kung si Napoles ay isang karaniwang nilalang, na napagbintangan ng estafa, at mahirap lamang, halimbawa, may pakialam kaya ang korte kung may ovarian tumor siya? Unti-unting humihina ang hiyaw ni Juan dela Cruz dahil sa isyu ng pork barrel at ang administrasyong Aquino, na kampeon diumano ng ‘Matuwid na Daan’ ay tila kibit balikat sa usad ng imbestigasyon.

Ang isang napansin ng marami sa kasalukuyang administrasyon ay ang walang sawang paglabas nito ng PR, pa pogi points, diversionary tactics at iba pa. Ang pagpapabango ng pamahalaan ay nagsimula sa mga tag line na ngayon ay tila mga patawa: “Matuwid na Daan”; “Walang Wang-wang”; at “Kayong ang Boss ko.” Nakalulungot na ang mga pangakong ito ay hindi lamang hindi natutupad, kung hindi tahasang sinasalungat. Ito nga ba ang istilo ng administrasyong Aquino?

You May Also Like