SSS nagbayad sa mga pensiyonado matapos ang 27 taon

 

 

Ni: Marites Badilla
 
IBINIDA ng Social Security System (SSS) na nagbayad ito ng higit P7 Bilyon sa mahigit 154,000 retiradong kasapian nito matapos ang 27-taong pag-aayos sa eksaktong pensiyon na dapat matanggap nila mula 1985 hanggang 1989.
 
Ayon sa SSS, ibinigay nito ang P7.21 Bilyon sa 154,000 retiradong kasapi ng pension fund nitong unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
 
Ang naturang halaga ay ang “pension adjustment” ng SSS sa  mahigit 154,000 retiradong kasapi ng ahensiya na hindi nakatanggap ng kanilang pensiyon noong 1985 hanggang 1989 dahil nagkaroon ng “glitches” ang computer system ng SSS.
 
Aminado ang SSS sa pamumuno ng presidente at chief executive officer nito na si Emilio de Quiros, Jr. na ngayong 2016 lang nabayaran ang mga pensiyonado dahil katatapos lamang ng SSS sa isinagawang “manual verification at reposting ng kontribusyon para sa mga taong 1985 hanggang 1989.”
 
Ipinaliwanag ng SSS na “Ang pension adjustment ay resulta ng aksyon ng pamunuan ng SSS na suriin ang mga kontribusyon ng mga miyembro mula 1985 hanggang 1989 na hindi lumipat sa system upgrade na ginawa nito noong 1980s.”
 
Inamin ng ahensiya na ang rekord ng SSS na tinamaan ng computer glitches noong 1985 – 1989 ay noong 2011 lamang nasimulan ang pag-aayos at pagtutuwid sa pagkakamali.
 
Sa nasabing taon, “bumuo ang pamunuan ng SSS ng special team na siyang tumutok sa pag-aayos ng [mga] rekord ng [mga] pensiyonado.”
 
“Ginawa namin ang proyektong ito para maibigay sa ating mga pensiyonado ang benepisyong para sa kanila, na hindi na nila kailangan pang hingin [pa sa SSS],” paliwanag ni De Quiros.
 
“Nakapagpadala na kami ng sulat sa mga kuwalipikadong pensiyonado at ilan sa kanila ay natanggap na ang pension adjustment noong Hunyo. Para sa ibang pensiyonado, maaari silang tumawag sa SSS Hotline sa mga numerong (02) 920-6446 hanggang 55 o mag-email sa member_relations@sss.gov.ph para macheck nila ang estado ng kanilang pension adjustment, kung meron man,” patuloy ng opisyal.
 
Samantala, inilinaw niya na “Hindi lahat ng pensiyonado ay kuwalipikado sa pension adjustment, sapagkat may mga miyembro na natapos na ang manual verification ng kanilang kontribusyon mula 1985 hanggang 1989 noong sila ay nagpasa ng kanilang aplikasyon.”
 
“May mga sitwasyon din kung saan kahit na nailatag, o nai-repost ang mga kontribusyon ay wala itong epekto sa kanilang tinatanggap na pensiyon,” patuloy na paglilinaw ni De Quiros.
 
Batay sa datos ng SSS, 90% ng 154,357 retirado ang nabayaran ng pension adjustment at back payment, na pangkaraniwang nagkakahalaga ng P51,883 kada isang pensiyonado.
 
Nakasaad din sa datos nila, ang natitirang 10% ay nakatanggap ng P100, o mas mababang accrued differential na ibinigay ng SSS sa mga pensiyonado, kasabay ng kanilang regular na buwanang pensiyon.
 
“Nasa P515.00 ang average na halaga ng itinaas sa buwanang pensiyon sa 154,357 retiradong pensiyonado na binayaran noong Hunyo 2016. Dahil sa pension adjustment na ito, magdadagdag ang SSS ng P79.5 Milyong pondo para sa pensiyon kada buwan,” banggit ni De Quiros.
 
Inamin din ni De Quiros na patuloy ang pagsusuri ng SSS sa mga kontribusyon sa mga kasapi nito, kabilang na ang kompyutasyon para sa patuloy na pagsasaayos at pagwawasto ng kanilang pensiyon, kaya ang pangalawang babayarang pension fund ay nakalaan sa mga kuwalipikadong death at disability pensioners alinsunod sa Social Security (SS) Program ng ahensiya.
 
Nakatakdang bayaran sila ng SSS bago matapos ang 2016.
 
Samantala, sa Hunyo 2017 pa mababayaran ang mga SS death at SS disabililty pensioners na ang contingency date ay bago sumapit ang Mayo 24, 1997.
Parehong petsa rin mailalabas ang pera para sa mga makikinabang sa EC pension adjustment.

You May Also Like