Social media manager ni Pope Francis darating sa PHL

MANILA — NAPAKAPALAD ng Pilipinas dahil sa darating na Nobyembre, darating sa bansa ang tagapamahala ng Twitter account ng Santo Papa, ang @Pontifex, upang magsalita sa mga kabataang Pilipino tungkol sa paanyayang dalhin ang mensahe ng Mabuting Balita sa online na mundo.

msgr tighe

Ibibigay ni Msgr. Paul Tighe, sekretarya ng Pontifical Council for Social Communications, ang pangunahing mensahe sa ikalawang Catholic Social Media Summit, na gaganapin sa Colegio de San Juan de Letran, Intramuros, Manila, sa Nobyembre 23 – 24.

Sa isang panayam sa Business Week, sinabi ni Tighe na ang desisyon na magkaroon ng isang Twitter account ang Santo Papa ay paraan ng Vatikano upang hikayatin ang mga pinuno ng Simbahan, mga kaparian, pati na rin ang mga layko na maging aktibo sa mga social networks.

“A number of figures, from cardinals and bishops to individual believers, are quite present in Twitter. In a sense, the Pope’s presence is, ex post facto, an endorsement or encouragement of them. We have a lot of people who are saying, ‘If the Pope is going in there, maybe it’s time for me,’” paliwanag ni Tighe bago ipinost ni dating Pope Benedict ang kanyang unang tweet.
Si Tighe din ang nasa likod ng pagkakaroon ng annual plenary assembly ang Pontifical Council for Social Communications nitong Setyembre 19 – 21, kung saan sinabi ni Pope Francis na kailangang simulan ng Simbahan “with discernment, to use modern technologies and social networks in such a way as to reveal a presence that listens, converses and encourages.”
Patuloy ang rehistrasyong online para sa Catholic Social Media Summit. Ang bayarin sa pagpaparehistro ay P1,200 kada tao. Mag log-in lamang sa http://catholicsocialmediasummit.com upang makapagparehistro.

Inorganisa ng grupong YouthPinoy, ang Catholic Social Media Summit ay may layuning itaguyod ang online evangelization sa pamamagitan ng paggamit ng internet at social media upang ipahayag ang Ebanghelyo. Binuo ang YouthPinoy ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines’ Media Office at ng Episcopal Commission on Youth.

Sa ngayon, ang mga tweets ng Santo Papa ay sinasalin sa siyam na pangunahing wika, kasama ang Latin. Ang Ingles na Twitter account ng Papa ay may 3 milyong follower; ang Espanyol na account ay may 3.8 milyon; at ang Italyanong account ay may 1.1 milyon.

(Alejandro Malapo)

You May Also Like