SOBERENYA SA EKONOMIYA MULA SA AMERIKA—IBON

 

SONA RallyNi: Marites Badilla

 

NAKUMBINSING makabayan si Pangulong Rodrigo Duterte, kaya hinimok ng isang progresibong research group ang Pangulo na isulong ang pagkakaroon ng “soberenya sa ekonomiya” ng Pilipinas mula sa Estados Unidos ng Amerika at iba pang mga bansa.

Sabi ng Ibon Foundation, ang soberenya sa ekonomiya ay kailangang bahagi ng “pambansang industriyalisasyon na pangunahing estratehiya” upang guminhawa ang buhay ng mamamayang Pilipino.

Upang masimulan ang soberenya, binanggit ng Ibon na kailangan rebyuhin ang lahat ng kasunduan ng Pilipinas sa pakikipagkalakalan at pamumuhuan ng iba’t ibbang bansa, kabilang na ang Amerika, upang matukoy kung aling kasunduan at kung saan-saang aspeto agrabyado, o talo ang Pilipinas.

Ang pahayag ng Ibon ay isiningit sa biglang pagpapakita ni Pangulong Duterte ng interes sa pagkakaroon ng Pilipinas ng isang malayang patakaran sa pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa Estados Unidos at iba pang mga bansa.

Inginuso ni Duterte ang soberenya ng bansa sa pakikipag-ugnayan at pakikipagrelasyon nito sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Amerika, makaraang ikasa ng Pangulo ang serye ng kanyang birada sa Estados Unidos.

Ipinaalala ng Pangulo ang mga krimeng nagawa ng mga sundalong Amerikano sa mga Pilipino noong Marso 1906 at Setyembre 1901.

Ang nangyari noong 1906 ay Bud Dajo Massacre at iyong 1901 ang Balangiga Massacre.

Ipinaalala ni Duterte ang dalawang insidente ay nagluwal ng karumal-dumal na pamamaslang ng mga sundalong Amerikano sa mga Pilipino matapos na harap-harapang pagsabihan ni Pangulong Barack Obama si Duterte ng tamang paglulunsad ng gyera laban sa iligal na droga.

Ang punto ni Obama ay tiyakin ng administrasyong Duterte ang paggalang at pagkilala sa karapatang pantao ng mga tulak ng bawal na gamot at protektor ng sindikato ng iligal na droga.

Ang tingin ni Duterte, bahagi lamang ng patuloy na pakikialam ng Estados Unidos sa Pilipinas ang pangangaral ni Obama hinggil sa karapatang pantao.

Kaya, iginiit ni Duterte na panahon na upang magkaroon ng bagong patakaran ang Pilipinas  sa pakikipagrelasyon at pakikipag-ugnayan nito sa ibang bansa.

Ayon sa Ibon Foundation, ang kasalukuyang programa sa ekonomiya ng bansa ay pinalala lamang nito ang talamak na kawalan ng trabaho, mahinang kalidad ng trabaho, lumawak at lumalim ang kahirapan, tuluy-tuloy ang mababang sahod, ang mga panlipunang serbisyo at mga prduktong pangangailangan ng mamamayan ay pinamamahalaan ng mga pribadong kompanya na inaalok ng mahal sa mamamayan.

Anang research group, sa kabila ng malaking potensiyal ng Pilipinas dahil sa angking likas na yaman at mapapakinabangang populasyong mahigit 103 milyon, nahaharap pa rin ang bansa sa pinakamasahol na krisis sa kawalan ng trabaho at kahirapan.

Ayon sa datos ng grupo, 28.7 milyong Pilipino ang walang trabaho, hindi regular ang trabaho, naghahanap-buhay sa manpower agency, kumikita sa informal sector, at walang bayad na paghahanap-buhay sa pamilya.

Umabot sa 12 milyong Pilipino ang napuwersang magtrabaho sa ibang mga bansa upang kumita ng mas malaki kaysa manatili dito sa Pilipinas na ang tunay na halaga ng sahod ay mas mababa pa sa P120 kada araw.

Umaabot sa 80% mula sa mahigit 103 milyong Pilipino ang nagkakasya lamang sa suweldo na ang tunay na halaga ay mas mababa pa sa P120 bawat araw, tugon ng Ibon.

Ang isang-kapat, o 26 porsiyento ng kabuuang populasyon ay nabubuhay sa ilalim ng guhit ng kahirapan, patuloy ng grupo.

Iginiit ng Ibon Foundation na ang solusyon sa mga suliraning ito ay ang mapagpasyang pagbabago nag awing pambansang industriyalisasyon ang estratehiya sa  ekonomiya.

Ang pambansang industriyalisasyon ay kinapapalooban ng programang pang-ekonomiya na malaya at umiiral ang soberenya mula mga dayuhan, may pokus sa produktong gawa ng mga Pilipino, pag-iral ng mga kompanyang pag-aari at pinamamahalaan ng mga negosyanteng Pilipino, at malayang mga kasunduan ng pakikipagkalakalan at pamumuhuan ng iba’t ibang sa Pilipinas, at pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa at agrikultura ng bansa.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like