Sinu-sino ang mga “Sino”? (Ikalawang Bahagi)

DSC_7587Ni Prof. Michael Franz Trias Ang

Ngunit mas naniniwala si Teresita Ang-See na ang mga “Chinese Filipinos” ay mas “identified” ang sarili sa pagka-Pilipino dahil ang kanilang kultura’t tradisyon ay unti-unting nagiging bahagi ng mas malaking nasyunal na tradisyon na ang resulta ay “mutual enrichment and enhancement” ng mga positibong elemento ng bawat kultura’t tradisyon. Ang ilan sa mga ibinigay na halimbawa ni Teresita Ang-See sa kanyang sanaysay ay (1) mas marami sa kanila ay mas marunong magsalita ng Ingles at Pilipino kaysa Intsik; (2) mas marami na rin sa kanila ay na-Kristiyano kaysa maging Buddhist o Taoist; (3) mas marami na rin sa kanila ang may Pilipinong kaibigan at katrabaho kaysa kapwa Tsino at iba pa.

Sa sanaysay din ni Teresita Ang-See na “The Ethnic Chinese as Filipinos” matatanto natin na sadyang ang mga Tsino, lalung-lalo na ang mga kabataang Tsino ay mas maiuugnay ang sarili sa pagka-Pilipino kaysa sa pagka-Tsino. Ang ilang “factors” ay ang mga sumusunod: (1) mas nakikita nila ang kanilang sarili na mananatili sa Pilipinas kaysa lumipat sa Tsina at mas nakikita nila na ang Pilipinas ay ang kanilang “home” kaysa sa Tsina; (2) medyo nawawala na ang mga “biases at prejudices” ng mga Pilipino sa mga Tsino na dulot ng kawalan ng tiwala sa isa’t-isa at inggit sa pag-asenso ng mga Tsino sa larangan ng negosyo at komersyo; (3) mas marami nang Tsino na nakikilahok sa pulitika at naniniwalang may malaking responsibilidad sila at dapat ay makialam sa lipunan sa anumang isyung mahalaga at iba pa.

Isa rin na mahalagang banggitin sa sanaysay ni Teresita Ang-See ay ang kaibahan ng “a Filipino with Chinese decent”; “a Chinese who happens to be a Filipino” at “a Chinese with Filipino decent.” Mas marami ang nagpatunay sa kanyang pag-aaral na sila ay “Filipino with Chinese decent.” At ang implikasyon nito ay mas nakikita nila na sila ay Pilipino.

Sa kabilang dako naman, naniniwala si Jacques Amyot, S.J. na ang mga Tsino ay may abilidad na mintinahin ang kanilang identidad sa kahit saan man sulok ng mundo sila mapapadpad dahil wala namang sapat na rason para sila ay magbago. Ngunit pinaninindigan ni Amyot na kapag mahigpit at malakas ang “social pressure” para ma-“acculturate” ang mga Tsino, mas lalo itong magiging dahilan ng pag-“reinforce” ng kanilang mga tradisyon at organisasyon. Sa kabilang banda, kapag malugod na tinatanggap ang mga tradisyon at organisasyon ng mga Tsino ay mas makikisalamuha ang mga Tsino sa kanilang mga lokal na “counterparts.”

Ayon naman kay Dr. Robert O. Tilman sa kanyang sanaysay na “Philippine Chinese Youth – Today and Tomorrow,” ang mga Tsino ay maaaring sabihing “integrated” ngunit hindi “assimilated.” Malaki ang kaibahan ng dalawang terminong nabanggit. Ang “assimilation” ay tumutukoy sa dalawang kulturang magkaiba na magsasanib bilang isa at ang “integration” naman ay tumutukoy sa isang kulturang aayon sa isang kultura ngunit hindi sasanib sa kulturang yaon.

Iba naman ang paniniwala ni John T. Omohundro sa paniniwala ni Dr. Robert Tilman. Sinabi niya sa kanyang maikling sanaysay na “Study of the Overseas Chinese: An Anthropologist’s Appraisal” na: “I see no reason to assume that assimilation, as some sort of universal, inevitable process, like gravitation, will occur and proceed to completion among the Philippine Chinese.” At sa proseso ng asimilisasyon ng mga Tsino ay nakikita niya na may malaking papel ang estado.

Sinuportahan naman ni Bernard C. Go sa kanyang sanaysay na “The Pinsinos” si Omohundro. Ang sabi niya maaaring magkaroon ng konklusyon na karamihan sa mga Tsino sa Pilipinas ay hindi na Tsino bagkus ay mga Pinsinos o kung anuman ang gusto niyo silang tawagin dahil sa kanilang de-sinisasyon (ngunit hindi pa ganap) at ang kinikilala nilang tahanan ay ang Pilipinas.” Dagdag pa niya na ang mga Pinsinos ay “Pilipino, gaya ng mga Muslim, Kalinga, Ilokano, Bisaya, Hanunoo, Bikolano, Tagalog, Waray at Tasaday ay Pilipino.”

Sa kabuuan, ang mga Tsino ay nakahanap na ng kanilang tahanan o pangalawang tahanan sa Pilipinas at mananatili rito upang lalong pag-ibayuhin at paunlarin ang bansang Pilipinas.

You May Also Like