Sinu-sino ang mga Sangkot sa Isabela Shabu Lab?

 

 

SHABU LAB SA HIGHWAY: Disyembre ng nakalipas na taon pa tinitiktikan ang bodegang pag-aari umano ni dating Mayor Tiu ng bayan ng Luna Isabela na matatagpuan sa isang highway sa Lungsod ng Cauayan Isabela na ginawang pabrika ng shabu. (Mon Estabaya)
SHABU LAB SA HIGHWAY: Disyembre ng nakalipas na taon pa tinitiktikan ang bodegang pag-aari umano ni dating Mayor Tiu ng bayan ng Luna Isabela na matatagpuan sa isang highway sa Lungsod ng Cauayan sa nasabing lalawigan na ginawang pabrika ng shabu, ngunit nitong Oktubre 23 ng taon kasalukuyan lamang linusob ng mga alagad ng batas. (Mon Estabaya)

Ni: Denz Laguipo

 

PINAIIMBESTIGAHAN ng pinuno ng Philippine National Police (PNP) kung sinu-sino ang mga opisyal ng pamahalaang lalawigan ng Isabela, Lungsod ng Cauayan, at pulisya ng nasabing lalawigan at lungsod ang posibleng protektor ng sindikato ng iligal droga sa nasabing lalawigan makaraang madiskubre ang isang laboratoryo ng shabu (methamphetamine hydrochloride) sa lalawigan nitong Linggo (Oktubre 23).

Idiniin ni Director General Ronald dela Rosa na pihadong kakasuhan nila kung sinuman ang mga opisyal ng pamahalaang lalawigan at lungsod ng Cauayan at mga pulis na protektor sa sindikato ng iligal na droga na nagpapatakbo ng shabu lab sa Lungsod ng Cauayan sa Isabela.

Ang pahayag ni Dela Rosa ay nakaugnay sa nadiskubreng laboratoryo ng shabu sa Prenza Maharlika Highway ng Distrito 1.

Nitong Oktubre 23, lumusob ang pinagsanib na puwersa ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bodegang ginawang shabu lab upang ihain ang search warrant sa nasabing bodega.

Ang warrant ay inisyu ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 97 Executive Judge Bernelito Fernandez.

Sabi ni PDEA Deputy Director Ricardo Quintos sa media, namatay sina Kim Uy (na may mga alyas na Atong Lee, Chua at Lung) at She Cangbo, parehong Intsik, nang makipagbarilan sa mga tauhan ng PDEA at PNP habang inihahain ang search warrant.

Si Uy ay kilalang negosyante sa lalawigan.

Kasapi pa ito ng Rotary Club ng nasabing lalawigan.

Samantala, inaalam pa kung totoong si Manuel Tiu, dating alkalde ng bayan ng Luna Isabela, ang may-ari ng bodega na ginawang shabu lab.

Ayon kay Dela Rosa, malaki ang shabu lab dahil kaya nitong makapagluto ng shabu ng 200 kilo hanggang 400 sa loob ng isang linggo.

Sabi rin niya, ang totoo ay noong Disyembre pa minamanmanan ang bodega, ngunit hindi maipaliwanag ng pinuno ng PNP kung bakit nitong linggo lamang naisipang lusubin ng PNP at PDEA.

Sabi ni Quintos, ang nakumpiska lamang nila ay ang makinarya sa paggawa ng shabu, chemicals sa gagawing shabu, mga baril, at Toyota pick-up.

Bagong tayo raw ang shabu lab at magsisimula pa lamang daw sa operasyon, paglilinaw ni Quintos.

Pinuntahan at naghain din ng search warrant (na inisyu rin ni Judge Fernandez) ang mga operatiba ng PDEA at PNP sa isang bodegang malapit sa Cauayan District Hospital na nagresulta sa pagkakakuha ng P102,000.00 pera, baril, at rekord ng mga transaksyon umano sa iligal na droga ni Uy.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like