Singapore Pa More

ANGNi Prof. Michael Franz Trias Ang

Noong nakaraang linggo ay nasa Singapore ako para dumalo sa isang pagtitipon ng mga iskolar mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ito ay idinaos sa National University of Singapore at inorganisa ng Asia Research Institute ng nasabing pamantasan. Ngunit hindi tungkol sa kumperensya ang nais ko na bigyan ng pahayag ngunit sa mga napansin ko habang ako ay lumalaboy sa Singapore.

Una: mabilis maglakad ang mga tao. Ayon sa pag-aaral na lumabas sa website ng CNN, ang mga Singaporeans ay ang “fastest walkers in the world.” Para sa kanila, ang bawat segundo ay mahalaga at ang bawat segundo ay dapat gawing makabuluhan. Sana tayo rin ay ganito mag-isip.

 

 

Pangalawa: disiplinado ang mga tao. Hindi ako sang-ayon kay Pangulong Marcos ukol sa pag-iral ng batas militar noong kanyang panunugkulan ngunit sang-ayon ako sa kanyang nasambit na “sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Ganito rin ang gustong isulong ni Pangulong Duterte. Ngunit dapat isaalang-alang pa rin ang “rule of law.”

Pangatlo: napakamahal ng bilihin (ngunit mataas din naman ang sweldo kahit ng simpleng manggagawa. Mayroon akong nakausap na Pilipino (alam naman natin na maraming OFW sa Singapore at marami akong nakilalang mga OFW sa Lucky Plaza sa may Orchard Road) at sabi niya ay kumikita siya ng S$1,800 kada buwan bilang isang crew sa isang sikat na fastfood chain. Ang S$1,500 ay halos katumbas ng PhP 50,000 kada buwan. Bigla akong nahiya sa sweldo ko bilang isang propesyunal dito sa Pilipinas.

Pang-apat: napaka-episyente ng kanilang MRT. Napakalaki ng NCR ngunit mayroon tayong tatlong linya lamang sa ngayon (LRT1, LRT2 at MRT3) na minsan ay pumapalya pa. Sana bigyan pansin din ng Duterte administration ang sktor ng transportasyon na napakahalagang sangkap para sa isang maunlad na ekonomiya.

Panlima: napakaraming turista. Kahit napakaliit ng Singapore ay marami kang mapapasyalan. Little India, Marina Bay Sands, Sentosa Island, Chinatown, Orchard Road, Botanic Gardens, Asian Civilisation Museum at iba pa. Ang Singapore ay nasa Top 5 sa Asya pagdating sa bilang ng mga international tourist arrivals ayon sa World Tourism Organization. Nasa Top 10 ang mga bansang Thailand, Malaysia, Singapore at Indonesia. Hindi ba’t “kapitbahay” natin ang mga bansang nabanggit?

Sana hindi tayo lalong mapag-iwanan sa hinaharap.

You May Also Like