Simbahan patuloy ang pagkontra sa RH – obispo

Matindi ang suporta ng mga kabataang pro-lifers sa katatapos na final deliberations ng Korte Supreme sa constitutionality ng RH Law noong Abril 8 sa SC Compound, Baguio City.
Matindi ang suporta ng mga kabataang pro-lifers sa katatapos na final deliberations ng Korte Supreme sa constitutionality ng RH Law noong Abril 8 sa SC Compound, Baguio City.

NANININDIGAN si Cubao Bishop Honesto Ongtioco na patuloy na ibabahagi ng Simbahan ang ‘Church teachings’ tungkol sa buhay at pag-aasawa kontra sa R.A. 10354 matapos ideklara ng Korte Suprema na ‘not unconstitutional’ ang Reproductive Health (RH) Law noong Abril 8 sa Baguio City.

Dagdag ni Bishop Ongtioco, “Ating ipagdasal na patuloy na gabayan ng Banal na Espiritu ang Iglesya, lalo patungkol sa kasagraduhan at dignidad ng buhay. Ating ipinagpapatuloy na ipaalam ang kagandahan at kabanalan ng buhay ng bawat tao.”
Itinuturing naman ni Bishop Onctioco na oportunidad para sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ang walong probisyon ng RH Law na idineklarang “unconstitutional” o labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema.

Ani Bp. Ongtioco, “Grasya ng Panginoon ang pagkilala ng Kataas-taasang Hukuman sa paninindigan ng Simbahang Katolika sa paggalang sa buhay mula sa sinapupunan o conception hanggang sa natural nitong kamatayan.”

Samantala, naniniwala si dating CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na sa pagpapatupad ng Reproductive Health Law ay isusunod dito ang pagsasabatas ng legal na aborsyon sa Pilipinas.

Inihalimbawa ng arsobispo ang naganap na pagpupulong noong Enero sa PICC ng iba’t-ibang grupo, kabilang ang mga itinuturing na nagtutulak ng aborsyon sa ibat-ibang panig ng mundo.

Sinabi ni Archbishop Cruz, “Ibig sabihin, ‘yung contraception ay facie na ‘yan. Sa bagay, kahit walang batas ay tinutupad na ‘yan, ngayon mas maraming pera dahil batas na, formality na lang ‘yang batas, at ang susunod ay matindi na at ito ang abortion.”

[Mark Silva]

You May Also Like