Simbahan, kaaway ng Palasyo! – Cruz

Ayon kay Lingayen - Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, mga isyu tulad ng RH Law, diborsyo at same-sex “marriage” ang pinag-uugatan ng ‘di pagkakaintindihan ng Simbahan at administrasyon.
Ayon kay Lingayen – Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, mga isyu tulad ng RH Law, diborsyo at same-sex “marriage” ang pinag-uugatan ng ‘di pagkakaintindihan ng Simbahan at administrasyon.

MALAKI ang paniwala ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na itinuturing ng Administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na mahigpit na kaaway ang simbahan.

“Ang administrasyon ngayon itinuturing ang Simbahan na malaking kaaway,” giit ni Cruz.

Ayon kay Cruz, matindi at tila lumalalim na din umano ang galit ng Malakanyang sa Simbahan bunsod ng pagtutol nito sa dalawa pang batas na nais maipasa ng administrasyon tulad ng divorce law at batas para sa same-sex “marriage.”

Giit pa ng Arsobispo, ang Malakanyang din ang ‘di umano’y nasa likod ng pagpapalabas ng Survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing wala pang 4 sa kada 10 Katolikong Pinoy ang nagsisimba kada Linggo.

“Sila ang nagpa-survey, sila ang nagbayad at naturalmente, para rin sa kanilang propaganda ‘yan,” ani Cruz.

Tumanggi naman ang Malakanyang na magsalita tungkol sa mga alegasyon ni Cruz at sinabing opinyon at tsismis lamang umano ito na hindi na dapat pang bigyan ng komento.

You May Also Like