Simbahan, hindi kukunsintihin ang same-sex marriage

ISANG pari ng Simbahang Katolika ang nanindigan na patuloy ang pagtanggap ng Simbahan sa mga bakla at tomboy, ngunit iginiit nito na ang relasyon o pagsasama ng parehong kasarian ay hindi pa rin katanggap-tanggap.

“Tanggap natin sila ‘pagkat mayroon silang same-sex attraction, pero hindi natin matatanggap kung mayroon silang same-sex relationships at same-sex unions,” ani Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Dagdag pa ni Castro maaaring tawagin ng Diyos para sa isang espesyal na misyon ang mga indibidwal na may same sex attraction. Maaari din, aniya, maging mga santo at santa ang mga bakla o tomboy kung sila ay mamumuhay ng tuwid.

“Hindi sila nagkaroon ng relasyon, they did not engage in same-sex behavior. So, kung papano ang heterosexual straight na sinasabi natin at homosexual ay kapwa tinatawagan na magkaroon ng chaste life,” paliwanag ni Castro.

Iginiit ni Castro na kailanman ay hindi bubuwagin ng Simbahan ang katuruan ng Diyos sa kasagraduhan ng kasal sa pagitan lamang ng babae at lalaki at hindi sa magkaparehong kasarian o sa pagitan ng lalaki sa lalaki at babae sa babae.

Nilinaw din ni Castro ang mga naunang pahayag ng Santo Papa noong nakaraang Lunes hinggil sa pag-iwas sa pagmamaliit at panghuhusga sa mga bakla. Malinaw diumano na walang binago ang Santo Papa sa katuruan ng Simbahan kontra sa mga naglabasang balita hinggil dito. (PDG)

You May Also Like